MANILA, Philippines – SINABI ni PBGEN Melecio Buslig, Jr., District Director ng Quezon City Police District (QCPD) na matagumpay na nabawi ang isang Toyota Camry (original plate no. NGY 1450) na puwersahang kinuha sa isang carnapping incident sa naturang lungsod.
Ayon sa ulat, ang pagbawi ay ginawa ng magkasanib na operatiba mula sa QCPD Anti-Carnapping Unit sa ilalim ni PLTCOL HECTOR ORTENCIO at ng Bulacan Police Provincial Office (PPO).
Batay sa ulat, naganap ang carnapping incident dakong alas-12:05 ng madaling araw noong Marso 29, 2025, sa harap ng HIFI KTV Bar sa kahabaan ng Timog Avenue, malapit sa kanto ng Quezon Avenue, Brgy. Paligsahan, Quezon City.
Nabatid sa ulat na sapilitang kinuha ang sasakyan sa rehistradong may-ari nito, isang negosyanteng nakatira sa Brgy. Tandang Sora, QC, na agad namang nagreport ng insidente sa DACU.
Nang matanggap ang ulat, ang DACU sa pakikipag-ugnayan sa Bulacan PPO at nagsagawa ng operational research, na nagresulta sa pagbawi ng sasakyan sa La Residencia Subdivision, Calumpit, Bulacan noong Abril 2, 2025, dakong 8:10 ng gabi.
Sinabi pa sa ulat ng QC police makaraang mabawi ang sasakyan, natuklasan na ang orihinal na plate number ng sasakyan ay pinalitan ng isang improvised plate number (D88 5907).
Ang narekober na sasakyan ay iniimbestigahan na at sasailalim sa kaukulang dokumentasyon.
“Dahil sa matibay na pagtutulungan ng QCPD at Bulacan PPO sa pagtugon at pagsugpo sa mga insidente ng carnapping, sa walang humpay na determinasyon, ipinagpatuloy namin ang aming mga pagsisikap na kilalanin at hulihin ang mga responsable sa krimeng ito,” sabi ni PBGEN Buslig, Jr. Santi Celario