MANILA, Philippines – UMARANGKADA na ang kauna-unahang AI portal sa health services matapos ilunsad ito nitong Biyernes, Abril 4, 2025 sa Quezon City upang umasiste at makatulong sa mga doktor na gumagamot ng mas maraming bilang ng mga maysakit.
Nabatid sa media launch, ipinakilala ng 1Life Inc. ang unang AI powered doctors assistant platform sa Pilipinas na Docmate AI upang mas maraming mamamayan ang magkaroon ng access sa healthcare preventions.
Ayon kay Nino Namoco, Presidente ng 1Life Inc, ang Docmate A1 ay malaking tulong sa mga doctor at sa isang pasyente na agad makikita ang sakit at maagang malulunasan sa tulong ng bagong platform na Docmate AI.
Sinabi pa na ang 1Life Inc ay nagkakaloob ng libreng health services tulad ng blood test, ECG, Xray, Ultrasound, Urinalysis at iba pa at dahil sa paggamit ng Docmate AI, agad malalaman dito ang mga sakit ng isang pasyente na dapat malunasan.
Nabatid pa kay Namoco na sa paggamit ng Docmate AI ay ang desisyon pa rin naman ng doktor ang prayoridad sa ibibigay na gamot at kung ano ang dapat gawin ng mga pasyente pero malaking tulong naman ang naturang platform dahil nakikita dito ang iba pang analysis na maaaring hindi nakita ng doktor.
“Gaya ng isang pasyente natin, nagpa check-up siya dito at nakita nating may pulmonary infection siya, may cholesterol at sa tulong ng Docmed AI ay nakita dito na mayron din pala siyang sakit na diabetes kaya malaking tulong ang platform para maagap na magagamot ang sakit ng isang pasyente,” sabi ni Dr. Matt Navarro, Medical director ng 1Life Inc.
“Nakikita namin na sa loob ng tatlong taon naming pagseserbisyo sa 1Life mula sa 900 munisipalidad na naikot namin may 3 doktor lamang ang nakalaan sa bawat 10 libong katao, kaya gusto naming madagdagan ang bilang ng mga natutulungan natin pasyente sa pamamagitan ng Docmate A1,” sabi pa ni Namoco.
Ayon pa sa kanya, gamit ang Docmate AI platform, mas mapapadali ang konsultasyon ng isang pasyente sa executive check up ay inaabot lamang ng higit isang oras pero kung sa regular na executive check up ay aabutin ito ng apat na araw. Santi Celario