Bulacan – Arestado ang durugistang ama na umano’y paulit-ulit na gumahasa sa kanyang sariling menor de edad na anak sa loob ng tatlong buwan sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alyas Elmer, 34, residente ng Brgy. Muzon East na kabilang sa Top 2 Regional Most Wanted Person.
Sa report, naaresto ang wanted ng silbihan ng Warrant of Arrest (WOA) ng mga kawani ng Warrant Section ng SJDM police station katuwang ang PIT-Bulacan East, RIU-3, IG, 301st MC, RMFB 3 at 3rd SOU, PNP Maritime Group bandang 12:59 ng hapon nitong Abril 4 sa Brgy. Muzon East.
Nabatid na ang WOA sa kasong 14 counts of qualified rape of minor (Violation of RA 8353 on relation to RA 11648) ay inisyu ng Presiding Judge ng RTC Branch 5FC, CSJDM, Bulacan noong Marso 14, 2025 na walang inirekomendang piyansa.
Sinasabing natuklasan ng lola na paulit-ulit ginahasa ng suspek tuwing lulong sa iligal na droga ang biktima mula Setyembre 2024 hanggang Disyembre 2024 kaya agad naisampa ang kaso laban dito.
Humihimas na ng rehas ang amang wanted sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III