SOLANO, NUEVA VIZCAYA – Isang ‘toss coin’ ang ginamit upang tukuyin kung sino ang uupong number one municipal councilor sa bayan ng Solano, matapos magtabla sa bilang ng boto ang dalawang kandidato sa katatapos na mid-term elections noong Mayo 12, 2025.
Parehong nakakuha ng 13,451 boto sina Clifford Tito at Thomas Dave Santos, kaya’t ipinatupad ang Section 240 ng Omnibus Election Code na nagpapahintulot sa paggamit ng mga laro ng pagkakataon—gaya ng bunutan o toss coin—kapag tabla ang resulta ng halalan.
Ang coin toss ay isinagawa sa harap ng Municipal Board of Canvassers at mga election officials, kung saan parehong pumayag ang dalawang kandidato sa proseso.
Sa naging resulta, nanalo si Santos sa toss coin at opisyal na itinanghal bilang top-ranking councilor sa Solano.
Mahalaga ang pagkakapanalo sa number one spot, dahil sa ilalim ng Local Government Code, ang pinakamataas na miyembro ng sangguniang bayan ang maaaring magsilbing pansamantalang alkalde o bise alkalde sa oras ng pagkawala o kawalan ng kapasidad ng mga kasalukuyang nakaupong opisyal. Mary Anne Sapico