Home NATIONWIDE No. 2 sa OCTA senatorial survey: ‘Di ko sasayangin ang inyong pagtitiwala...

No. 2 sa OCTA senatorial survey: ‘Di ko sasayangin ang inyong pagtitiwala – Bong Go

MANILA, Philippines – Patuloy na napanatili ni Senador Christopher “Bong” Go ang magandang puwesto niya sa mga potensyal na kandidato sa pagkasenador para sa 2025 midterm elections matapos siyang muling pumangalawa sa pinakabagong survey ng OCTA Research.

Sa isang nationwide survey na isinagawa noong Disyembre 10-14, 2023, pumangalawa ang kasalukuyang senador na mayroong 53% ng respondents na nagsasabing iboboto siyang muli para sa Senado.

“Bagamat malayo pa ang eleksyon, nagpapasalamat ako sa mga kababayan natin na patuloy na naniniwala sa akin at sa aking mga adbokasiya. Huwag muna natin isipin ang pulitika. Unahin muna natin ang pagseserbisyo sa mga Pilipino. Ang focus ko ngayon ay ang tumulong at magsilbi sa abot ng aking makakaya lalo na sa mga mahihirap at pinakanangangailangan,” idiniin ni Go.

“Hinding-hindi ko sasayangin ang tiwalang ito na ibinigay ninyo sa isang simpleng probinsyano na walang ibang nais kundi ang magsilbi sa bayan at sa mga Pilipino,” idinagdag niya.

Ang pinakahuling pigura ni Go ay nagpakita ng pagtaas mula sa 2023 third quarter survey na isinagawa rin ni OCTA Research kung saan pumangalawa rin siya na may 49% voting preference. Isinagawa ito mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 4.

“Patuloy po akong magmamalasakit at magseserbisyo sa kapwa ko Pilipino. Tulad ng turo ni dating Pangulong Duterte sa akin, kapag inuna mo ang kapakanan at interes ng ating mga kababayan, hinding hindi ka magkakamali,” ayon sa senador.

Nang tanungin kung ano ang kanyang formula para maging consistent sa ipinapakitang malakas na election survey, sinabi ni Go na “sipag at sinseridad lang talaga ang puhunan ko dito. Yung minsan napapagod din tayo bilang isang tao pero habang meron kang mga kababayang nakikita na nangyayari, pipilitin mo talagang magtrabaho para sa kanila.”

Si Go ay isang first-termer senator na pumangatlo noong 2019 midterm elections matapos magsilbi bilang Special Assistant to the President sa Duterte administration sa loob ng mahigit dalawang taon.

Bago ito, nagsilbi siya bilang pinagkakatiwalaang aide ng alkalde ng Davao City noon na si dating Pangulong Duterte mula 1998.

Ikinokonsidera si Sen. Go ngayon na mulang Mindanao bilang “Ama ng Malasakit Centers” program.

Ang Malasakit Centers ay isang inisyatiba na pinagsama-sama sa iisang bubong ang mga ahensiya ng gobyerno para tulungan ang mahihirap na Pilipinong humihingi ng tulong-medikal sa pamahalaan.

Si Go rin ang nangungunang tagapagtaguyod ng pagtatayo ng Super Health Centers, isang medium-type ng isang polyclinic at mas pinahusay na bersyon ng isang tipikal na rural health center, mula noong 2021.

Pangunahin din siyang isponsor at isa sa mga may-akda ng RA 11959, kilala bilang Regional Specialty Centers Act, na nilagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., noong Agosto 24. RNT

Previous articleRuta ng Traslacion, ligtas – DPWH
Next articleP800K cash ng courier company, nilimas ng 4 armadong magnanakaw sa Quezon