Home METRO Nobya pinatay, nobyong suspek nagbigti

Nobya pinatay, nobyong suspek nagbigti

Bulacan – Patay ang magkasintahan nang matagpuan ng mga awtoridad sa kanilang tinutuluyang apartment sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang mga kalunos-lunos na nasawi ng isang 24-anyos na medical assistance at ang kanyang nobyong 30-anyos na kapwa residente ng Brgy. Gumaoc West.

Sa report ng SJDM police station, nadiskubre ang insidente bandang 10:00 ng umaga nitong Enero 20 sa kanilang bahay.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon at sa salaysay ng saksi na katrabaho ng babaeng biktima na kanya itong kinontak dahil sa hindi pagpasok sa trabaho nitong Enero 18.

Sa kabila ng kanilang palitan ng mensahe ay hindi na ito muling sumagot sa huling tanong ng kanyang kasamahan.

Dahil dito, nagdesisyon ang kasamahan na pumunta sa bahay ng biktima subalit walang nagbubukas sa kanyang pagkatok at may naamoy na nakakasulasok kaya humingi siya ng tulong sa barangay.

Nang rumesponde ang mga opisyal ng barangay ay wala pa rin na sumasagot kaya puwersahang binuksan ang pintuan hanggang sa tumambad sa kanila ang nakabigting lalaki sa parteng sala.

Natagpuan naman ang babaeng biktima na nakahandusay at wala ng buhay sa kanilang comfort room.

Sinasabing naunang namatay ang babae bago nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti ang kinakasama.

Sa Facebook post ng mga netizen na nag-viral tungkol dito, may mga nag-comment na pinatay muna ang kasintahan at kalaunan ay nagpakamatay naman ang nobyo.

Napansin din ng mga netizen na posibleng matindi ang pinsala sa mukha ng biktima dahil nababalutan ito ng puting tela sa loob ng ataul.

Sa post naman ng kaanak ng biktima, naglabas siya ng saloobin para sa mga kababaihan na mag-ingat sa lalaki na kanilang minahal dahil posibleng sa bandang huli ito ang tatapos sa buhay nila. (Dick Mirasol III)