MANILA, Philippines- Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Lunes, Nobyembre 4, 2024, bilang Day of National Mourning para sa mga biktima ng malakas na pag-ulan, pagbaha, at malakas na hanging dulot ni Severe Tropical Storm Kristine (international name: Trami).
Sa kanyang Proclamation No. 728, ipinalabas ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa awtoridad ng Pangulo, sinabi ni Marcos na ang pagkakasa sa Nobyembre 4 bilang national day of mourning ay “in solidarity with the bereaved families and loved ones of those who perished due to the devastation brought by Severe Tropical Storm Kristine.”
“The entire nation is requested to offer prayers for the repose of the souls of the victims,” anang Pangulo.
Sinabi ni Marcos na sa Nobyembre 4, dapat itaas ang national flag nang half-mast mula pagsikat ng araw hanggang paglubog nito sa lahat ng government buildings at installations sa buong Pilipinas at sa ibang bansa.
Ipinalabas ang Proclamation No. 728 noong Oktubre 30, 2024.
Sa situation report hanggang alas-8 ng umaga ngayong Nobyembre 2, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na ang bilang ng mga nasawi kay Kristine ay 146, habang 91 ang sugatan at 19 ang naiulat na nawawala. RNT/SA