Home NATIONWIDE PBBM dumepensa sa pagbisita sa Naga

PBBM dumepensa sa pagbisita sa Naga

MANILA, Philippines- Walang kinalaman ang naging pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga lugar na hinagupit ng ‘tropical cyclones’ sa nalalapit na eleksyon sa bansa.

Sa kanyang vlog, inihayag ng Pangulo ang reaksyon sa ginawang pagpuna ng natizens sa kanyang naging pagbisita sa Naga City, balwarte ni dating Vice President Leni Robredo at kanyang katunggali sa Eleksyon 2022, kasunod ng pananalasa ng Severe Tropical Storm Kristine.

”Eh nandoon ang bagyo. Ang bagyo hindi nangingilala ng eleksyon. Kaya kung saan na may problema, kung saan ang nangangailangan ng tulong ay doon tayo pupunta,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Sa ulat, personal na binisita ni Pangulong Marcos at hinatiran ng tulong ang mga Bicolanong sinalanta ng bagyong Kristine noong nakaraang linggo.

Nakita mismo ng Pangulo ang delubyong inabot lalo na ng mga taga-Camarines Sur na halos karamihan ng bayan ay lumubog sa baha.

Mula sa itaas ng sinasakyang helicopter ay nakita nito ang lawak ng danyos lalo na sa agrikultura at imprastruktura.

Kasama sina Defense Sec. Gilbert “Gibo”Teodoro at Interior Sec. Jonvic Remulla nagkaroon ng briefing si Pangulong Marcos kina Camarines Sur Gov. Luigi Villafuerte; Cong. LRay Villafuerte; at Cong. Migz Villafuerte sa Brgy. Causip, sa bayan ng Bula na umabot sa 40-libo katao ang naapektuhan ng bagyo.

Dala ng Pangulo ang pinansyal na ayuda na galing sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Matapos ito, nagtungo ang Pangulo sa Naga City at nagkaroon ng situation briefing kasama si Naga City Mayor Nelson Legacion, mga lokal na opisyal ng iba pang mga apektadong bayan na karamhan ay umabot sa 12-talampakan ang baha, lalawigan at iba’t ibang sangay ng pamahalaan sa Kabikolan. Kris Jose