MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na sampahan ng kasong kriminal ang notary public na si Atty. Elmer Galicia, na nagsabing personal niyang nakita nitong August 14 ang sinibak na Bamban, Tarlac Mayor na si Alice Guo.
Ang pahayag ni PAOCC spokesperson Winston Casio ay bunsod ng natanggap nilang impormasyon mula sa immigration authorities sa ibang bansa na kontra sa pahayag ni Galicia na nagkita sila ni Guo para asikasuhin nito ang counter affidavit.
Batay aniya sa mga beripikadong impormasyon na nakuha mula sa iba’t ibang immigration authorities sa mga bansa sa Association of Southeast Asian Nations, lumalabas na nagsinungaling si Galicia.
“So, inaantay lang po naming iyong iba pang mga verified information coming from our counterparts by our Department of Foreign Affairs and our Department of Justice, and once we get those, we would have enough to be able to file criminal charges against Atty. Galicia kasi lalabas doon na nagsisinungaling po talaga siya,” ani Casio.
Samantala, nanindigan si Galicia na personal niyang nakita si Guo noong Agosto 14 at handa umanong makipagtulungan sa otoridad para patunayan ang kanyang pahayag.
Nagtungo si Galicia sa Department of Justice kasama si Caloocan City Prosecutor Dawin Cañete upang makipag-usap sa mga imbestigador mula sa National Bureau of Investigation. TERESA TAVARES