MANILA, Philippines- Nadakip ng mga awtoridad ang isang 35-anyos na umano’y pinuno ng isang notoryus na criminal group na sangkot sa ilegal na droga at carnapping activities sa Metro Manila at Mindanao sa engkwentro nitong Sabado.
Kinilala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang suspek na si Abdulfahad Dirampa Malik, kilala rin bilang Rex Fajad,” pinuno ng Rex Fajad Criminal Group.
Naaresto ang suspek kasunod ng suspek kasunod ng shootout sa Pasig Police sa kahabaan ng Urbano Velasco Avenue, Barangay Pinagbuhatan bandang alas-12:35 ng madaling araw.
Batay sa mga nagpapatrolyang awtoridad, napansin nila si Malik at tatlong iba pa na kahina-hinala ang kilos malapit sa isang lokal na establisimiyento, dahilan upang lapitan nila ang mga suspek.
Subalit, bigla na lamang bumunot ng baril si Malik at nagpaputok, dahilan upang depensahan ng mga pulis ang kanilang sarili. Dahil dito, nagtamo ng sugat si Malik at agad na dinala sa Pasig City General Hospital.
Sa nasabing operasyon, narekober ng mga pulis ang isang .38 revolver, Yamaha Sniper motorcycle, at Honda Beat motorcycle, na isinumite para sa forensic examination.
Samantala, sinabi ng mga awroridad na nagsasagawa sila ng follow-up operations upang maaresto ang tatlo pang suspek na nakatakas.
Ayon sa NCRPO, noong September 5, 2016, nagsilbi ng search warrant laban kay Malik, na nagresulta sa pagkakasamsam sa siyam na piraso ng plastic sachets na hinihinalang shabu, at kung saan nadakip siya dahil sa paglabag sa Section 11 of RA 9165. Nahaharap din siya sa mga kaso sa ilalim ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591), kung saan nakapaloob ang licensing at possession of firearms at related offenses.
Dagdag pa, iniuugnay si Malik sa iba’t ibang criminal cases, kabilang ang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165), partikular ang Sections 5, 8, ay 11, may kaugnayan sa illegal sale, possession, and manufacture of dangerous drugs noong Pebrero 26, 2021.
Sangkot din umano ito sa forcible abduction case sa Marawi, na paglabag sa Article 267 ng Revised Penal Code, dahil upang tukuyin siyang isang High-Value Individual (HVI) noong Setyembre 19, 2022.
Gayundin, inihayag ng NCRPO na sangkot ang suspek sa carnapping case noong Pebrero 13, 2023, sa ilalim ng Anti-Carnapping Act (RA 10883), at nananatiling nakalaya hanggang maaresto ito nitong Sabado.
“This arrest of a notorious criminal leader shows our unwavering commitment to keeping Metro Manila secure; we are implementing robust measures to counter criminal activities, enforcing firearms laws under RA 10591, especially as we prepare for the upcoming 2024 midterm elections,” pahayag ni NCRPO Acting Director Maj. Gen. Sidney Hernia. RNT/SA