NOVELETA, Cavite, Philippines – Nagsagawa ng paglilinis at pagsasaayos sa Noveleta Public Cemetery bilang paghahanda sa Undas 2026 upang matiyak ang malinis, maayos at komportableng lugar para sa mga bibisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Kabilang sa mga nilinis at inalis sa sementeryo ang mga tambak na basura, lupa, putik, tuyong halaman, damo at iba pang kalat na nakaaapekto sa kaayusan ng paligid.
Nakiisa sa paglilinis ang mga kawani ng General Services Office (GSO), Municipal Agriculture and Fisheries (MAF), Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO), Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) at Engineering Department, kasama ang mga kinatawan ng Barangay Salcedo I at Barangay Poblacion na nasasakupan ng sementeryo.
Layunin ng sama-samang pagkilos na matiyak ang kaayusan ng sementeryo bago dumagsa ang mga pamilya at kaanak na bibisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay ngayong Undas.
Nanawagan din ang lokal na pamahalaan sa publiko na panatilihin ang kalinisan ng sementeryo sa pamamagitan ng wastong pagtatapon ng basura at pagsunod sa mga alituntunin sa lugar. MARGIE BAUTISTA