MANILA, Philippines – Hindi na banta sa May 12 midterm elections ang New People’s Army (NPA), ang armed wing ng Communist Party of the Philippines, sinabi ng isang opisyal ng Philippine Army nitong Lunes, Enero 13.
Ayon kay Brig. Gen. Joey Escanillas, 302nd Infantry Brigade commander, ang lahat ng tatlong guerilla fronts ng NPA sa Negros Island ay nabuwag na at “we see no serious threat from the CTGs (communist terrorist groups).”
Bagamat aktibo pa ang ilang remnants ng NPA, sa pinakahuling military engagements noong Nobyembre at Enero na nagresulta sa pagkakasawi ng siyam na rebelde, napilitan ang mga ito na maging defensive mode na lamang lalo na sa Negros Oriental.
Kamakailan ay inilagay sa code orange ang ilang lugar sa Negros Oriental dahil sa presensya ng CTGs ngunit nilinaw ni Escanillas na ang mga ito ay may kaugnayan pa sa nagdaang eleksyon o mga panahong hindi pa nabubuwag ang mga guerilla front.
Ani Escanillas, walang naitatalang extortion activities ang Army na target ang mga kandidato sa rehiyon sa paparating na eleksyon.
Nagpadala ang Philippine Army ng mga tropa para sumuporta sa Commission on Elections at Philippine National Police sa pagsisiguro ng seguridad kabilang ang pagtao sa mga checkpoint at pagpapatupad ng gun ban sa election period na nagsimula nitong Linggo, Enero 12. RNT/JGC