Home METRO NPA kinondena sa pagkamatay ng sundalo

NPA kinondena sa pagkamatay ng sundalo

SAMAR- Kinondena ni Matuguinao, Samar Mayor Aran Boller ang pagkamatay ng isang sundalo matapos makaengkwentro ang nasa 10 kasapi ng New People’s Army sa bulubunduking bahagi ng Matuguinao, iniulat kahapon.

Kinilala ang nasawi na si Corporal Bobby Barocaboc, ng Alpha Company ng 19th Infantry Battalion.

Ayon kay Major Gen. Adonis Ariel Orio, pinuno ng 8th Infantry Division, naganap ang engkwentro sa Barangay San Roque habang sinisigurong ligtas at madali ang paghahatid ng mga serbisyong panlipunan at pangunahing mga serbisyo sa komunidad na itinuturing na isang Geographically Isolated and Disadvantaged Area.

Subalit, bigla na lamang silang tinambangan ng mga teroristang grupo at pinaulanan ng bala ng baril na nagresulta sa pagkamatay ni Barocaboc.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang mga rebeldeng grupo bitbit ang matataas na uri ng armas.

“Hinahamon ko kayo, kung talagang para ka sa mga tao at tapat sa iyong layunin, dapat ninyong suportahan ang gobyerno sa hangarin na makatarungan at pangmatagalang kapayapaan,” ani Boller.

“Si Corporal Barocaboc ay nagbuwis ng sukdulang sakripisyo para sa mga mamamayan ng Silangang Visayas. Ang kanyang kamatayan ay nagbibigay lakas sa amin upang ipagpatuloy ang aming nasimulan. At tinitiyak ko na kami titigil sa pagtugis sa mga natitirang rebelde upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad sa komunidad,” gagdag pa ni Orio. Mary Anne Sapico