BUTUAN CITY, Philippines – Tinuligsa ng 48th Infantry Battalion ng Philippine Army (48IB) ang komunistang New People’s Army (NPA) sa paglalagay ng panganib sa mga residente sa pamamagitan ng pag-iimbak ng mga improvised explosive device (IED) malapit sa isang komunidad sa Butuan City.
Narekober ng tropa ng 48IB ang mga pampasabog sa Purok 6, Barangay Bugsukan noong Setyembre 11, kasunod ng pagsisiwalat ng isang miyembro ng NPA na sumuko kamakailan.
Narekober sa lugar ang 20 kilo (kgs) ng ammonium nitrate na nakapaloob sa isang puting plastic container, 15 kg ng ammonium nitrate sa isang black plastic container, apat na blasting caps na may detonating cords, at dalawang 40-meter na haba ng electric wire.
“When detonated, these explosives are capable of causing damage and casualties within a 50-meter radius, posing a significant threat to nearby barangay,” saad ni 48IB commander Lt. Col. Kenny Rae Tizon.
Narekober ang mga IED isang kilometro lamang ang layo sa Barangay Bugsukan, aniya.
Pinuri naman ni Tizon ang kooperasyon ni alyas “Julia,” dating miyembro ng Sub-Regional Sentro de Grabidad Westland ng North Eastern Mindanao Regional Committee ng NPA.
Inihayag ni “Julia” na pinilit sila ng kanilang mga pinuno na mag-imbak ng mga pampasabog malapit sa mga matataong lugar.
Binanggit ni Tizon na ang paggamit at pag-iimbak ng mga landmine ay lumalabag sa Ottawa Convention o sa 1997 Anti-Personnel Mine Ban Treaty, na nilagdaan ng 133 estado, kabilang ang Pilipinas, na nagbabawal sa produksyon, pag-iimbak, paglilipat at paggamit ng mga anti-personnel mine.
Binigyang-diin ni Col. Manuel Darius Resuello, acting commander ng 901st Infantry Brigade (901Bde), na ang pangunahing alalahanin ng Army ay ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga komunidad at residente.
“We will not allow these communist terrorist groups (CTGs) to continue terrorizing and harming innocent civilians. Our unwavering commitment to protecting the lives of our fellow Caraganons drives us to intensify our efforts in defeating the remaining CTG threats in our areas of responsibility,” saad ni Resuello. RNT/MND