PASAY CITY, Philippines – Arestado ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Pasay City police ang top 2 at 3 most wanted person (MWP) sa ikinasang magkasunod na Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) Sabado ng gabi, Setyembre 13.
Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang mga nadakip na suspect na sina alyas Ronald, 40, top 2 MWP, residente ng Tramo St., Brgy. 60, Zone 7; at isang alyas Charlie, 50, top 3 MWP, ng 14th Street, Villamor, Brgy. 183, sa lungsod.
Ayon kay De Sesto, unang nadakip si alyas Ronald bandang alas-10:05 ng gabi sa kahabaan ng Burgos St., Barangay 60 Zone 7, Pasay City.
Ang pag-aresto kay alyas Ronald, na may kaugnayan sa kanyang kinahaharap na dalawang kasong acts of lasciviousness, ay bunsod sa inilabas na warrant of arrest noong Setyembre 1, 2025 ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Christian P. CastaƱeda ng Branch 109 na may rekomendasyon na piyansa na nagkakahalaga ng P200,000 bawat isa.
Sinabi ni De Sesto na sumunod namang inaresto si alyas Charlie dakong alas-10:45 ng gabi sa Moana St., Barangay 70, Pasay City, dahil din sa dalawang kasong acts of lasciviousness na may kaugnayan sa Section 5 ng RA 7610.
Si alyas Charlie ay nadakip sa bisa rin ng warrant of arrest na inisyu noong Setyembre 9, 2025 ni Pasay City Family Court Presiding Judge Jehan Batua Sampao-Hassiman ng Branch 11, na may kaakibat na piyansang P180,000 sa bawat isa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ang dalawang akusado ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng WSS habang naghihintay ng commitment order ng korte para sa kanilang paglipat ng kulungan sa Pasay City jail. (James I. Catapusan)