Home METRO NPC, Hope in Me Club nagpamahagi ng libreng flu vaccine

NPC, Hope in Me Club nagpamahagi ng libreng flu vaccine

MANILA, Philippines – UMABOT sa mahigit 120 miyembro ng National Press Club of the Philippines (NPC) ang nabigyan ng libreng flu vaccination nitong Martes, Disyembre 17, 2024.

Ang naturang libreng bakunahan na ginanap sa 4th floor NPC Building, Magallanes Drive sa Intramuros, Maynila ay proyekto ng nangungunang organisasyon ng mga mamamahayag sa Pilipinas sa pamumuno ni Pangulong Leonel “Boying” Abasola sa kooperasyon ni Dr. Tina Alberto ng HOPE in Me Club.

Ayon kay Pangulong Abasola, layon ng nasabing proyekto na mapangalagaan ang kalusugan ng mga miyembro ng NPC gayundin ng kani-kanilang pamilya at komunidad na kalapit nito.

Nabatid naman kay Dr. Alberto na asahan ng NPC ang kanilang pakikipagtulungan at tiniyak nito na mauulit muli ang kanilang proyekto sa mga susunod na taon upang tiloy-tuloy na mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamamahayag pati ang kanilang mahal sa buhay.

Bukod dito, inanunsiyo din ni Dr. Alberto sa sinomang nangangailangan ng Trimetazidine 35mg na nagkakahalaga ng P2,000 kada isang kahon, ay maaaring makakuha ng libre partikular na ang mga miyembro ng NPC.

Makipag-ugnayan lamang sila sa HOPE in Me Club o kaya sa opisina ng NPC upang makakuha ng isang kahon kada pasyente. Ang nasabing gamot ay may expiration date na March 2025. JR Reyes