Home NATIONWIDE NSC naniniwala, China gumagawa ng paraan sa pagpapahupa ng tensyon sa WPS

NSC naniniwala, China gumagawa ng paraan sa pagpapahupa ng tensyon sa WPS

MANILA, Philippines – Naniniwala ang National Security Council (NSC) na nais din ng China na pahupain ang tensyon sa West Philippine Sea sa kabila ng mga pangyayari sa pinag-aagawang teritoryo.

“Ang feeling namin sa NSC, gusto na rin ng China na made-escalate ang sitwasyon,” sinabi ni NSC spokesperson Jonathan Malaya sa panayam ng DZBB nitong Miyerkules, Hunyo 26.

Nang tanungin kung ano ang palatandaan na nais na rin ng China ang kapayapaan sa lugar, sinabi ni Malaya na ayaw niyang pangunahan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa naturang usapin.

“Well, ayokong pangunahan ang DFA but ang masasabi ko lang siguro ngayon is there are official, non-official channels na ginagamit natin with China para mahanapan ng common ground and solusyon itong mga problemang ito,” ani Malaya.

Nitong Martes, sinabi ni DFA Secretary Enrique Manalo sa Senate inquiry na magsisikap ang Pilipinas na ibalik ang China sa usapin para pahupain ang tension sa rehiyon.

Samantala,sinabi ni Malaya na dapat ay magkaroon ng “open mind” ang Pilipinas sa oras na magdesisyon ang China na pag-usapan ang isyu.

“Kaya nga ang kailangan nating gawin ngayon, notwithstanding ito, we enter to discussions with China with an open-mind. Ibig sabihin, realistic tayo,” ayon kay Malaya.

“Alam natin na may deception na posibleng mangyari, hindi tayo sigurado sa sensiridad pero that does not mean hindi tayo makikipagusap,” dagdag pa ng opisyal.

Matatandaan na noong Hunyo 17 ay naputulan ng hinlalaki ang isang manlalayag ng Philippine Navy kasama ang iba pa matapos na paulit-ulit na banggain ng China Coast Guard (CCG) ang mga rubber boat ng Philippine Navy para pigilan ang mga ito na maihatid ang mga pagkain, armas at iba pang pangangailangan sa mga tauhan sa BRP Sierra Madre.

Nakita rin ang mga tauhan ng CCG na iwinawasiwas ang mga armas nito katulad ng kutsilyo, itak at iba pa. RNT/JGC