Home HOME BANNER STORY Pilipinas nagpadala ng note verbale sa China sa isyu sa Ayungin –...

Pilipinas nagpadala ng note verbale sa China sa isyu sa Ayungin – DFA

MANILA, Philippines – Nagpadala na ang Pilipinas ng note verbale sa China kaugnay sa pinakahuling insidente sa Ayungin Shoal sa pagitan ng mga tropang Pinoy at China Coast Guard (CCG) na nagresulta sa ilang mga Pinoy na masaktan dito.

Ito ang kinumpirma ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo nitong Miyerkules, Hunyo 26 sa isang international media conference kung saan tinalakay nito ang isyu sa West Philippine Sea.

Ayon kay Manalo, naghain na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng diplomatic protest noong nakaraang lingo laban sa aksyon ng China sa Philippine routine resupply mission noong Hunyo 17.

Ani Manalo, nakipag-usap na siya kay Chinese Ambassador Huang Xilian kaugnay sa insidente bagamat tumanggi itong magbigay ng detalye sa naging usapan.

Kamakailan ay sinabi ni DFA Undersecretary Maria Theresa Lazaro na ikinokonsidera ng Pilipinas na ipatawag si Chinese Ambassador Huang Xilian dahil sa insidente noong Hunyo 17.

Matatandaan na noong Hunyo 17 ay naputulan ng hinlalaki ang isang manlalayag ng Philippine Navy kasama ang iba pa matapos na paulit-ulit na banggain ng China Coast Guard (CCG) ang mga rubber boat ng Philippine Navy para pigilan ang mga ito na maihatid ang mga pagkain, armas at iba pang pangangailangan sa mga tauhan sa BRP Sierra Madre.

Nakita rin ang mga tauhan ng CCG na iwinawasiwas ang mga armas nito katulad ng kutsilyo, itak at iba pa. RNT/JGC