Home NATIONWIDE NTC kinalampag sa mas mahigpit na SIM registration vs cybercriminals

NTC kinalampag sa mas mahigpit na SIM registration vs cybercriminals

MANILA, Philippines – Lantarang kinalampag ni Senator Sherwin Gatchalian ang National Telecommunications Commission (NTC) na ipatupad ang mas higpitan ang pangangasiwa sa telecommunication providers sa pagpaparehistro ng SIM.

Ipinanawagan ito ni Gatchalian sa gitna ng mapanlinlang na paggamit ng SIM ng cybercriminal kabilang ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), love scam at iba pa.

“Gusto nating higpitan pa ng NTC ang pagpapatupad ng mga telcos kung sila ay hindi sumusunod sa batas at mga patakaran ng NTC. Yan lang ang paaran para madisiplina sila dahil para sa mga telcos, ang pagbebenta ng SIM ay kita,” ayon sa senador.

Tinatalakay ng Senado ang panukalang budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT) kung saan ang NTC ay isang attached agency.

Bilang co-author ng SIM Registration Act, binigyang-diin ni Gatchalian na dapat na mapigilan ng NTC ang mapanlinlang na pagpaparehistro ng SIM cards sa pamamagitan ng mahigpit na pangangasiwa sa telcos.

Binanggit ng senador na nagbibigay-daan ang ganitong pandaraya sa sindikato, kabilang ang POGO, na mambiktima, gamit ang mapanlinlang na reehistradong SIM card.

“Ang ugat ng problema ay ang madaling pagkuha ng mga SIM card sa kabila ng ating batas sa pagpaparehistro ng SIM. Maraming hindi nasisiyahan sa pagpapatupad nito. Dapat pigilan ng NTC ang mga kriminal na bumili ng libu-libong SIM card at talagang ipatupad ang tunay na diwa ng batas na payagan ang mga lehitimong taong may magandang intensyon na bumili ng SIM card. Naniniwala ako na sapat ang batas pero sa pagpapatupad nito nagkakaroon ng problema,” aniya.

Ayon sa NTC, naglabas na ang ahensya ng verification guidelines para bigyang-daan ang mga telcos na maglagay ng sistema na makakapigil sa mapanlinlang na pagpaparehistro ng SIM. Kasama sa mga alituntuning ito ang paghahambing ng isinumiteng data sa impormasyon ng ID gamit ang advanced na teknolohiya tulad ng ilang pagsusuri tulad ng facial recognition at facial matching.

Gayunpaman, ipinakita ng simulation ng National Privacy Commission, isa pang ahensyang naka-attach sa DICT, na ang Smart Communications ang tanging telco na matagumpay na pumigil ng mapanlinlang na pagpaparehistro ng SIM.

Binigyang-diin ni Gatchalian na kung napipigilan ng Smart ang mapanlinlang na pagpaparehistro ng SIM, dapat ay magagawa rin ito ng ibang telco. “Kung ano man ang ginagawa ng Smart, dapat magawa din ng ibang telcos. Dapat nilang gamitin ang parehong teknolohiya, “aniya.

“Higpitan pa natin. Ayaw natin na paulit-ulit na mangyari ang mapanlinlang na SIM registration,” pagtatapos niya. Ernie Reyes