MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng National Unity Party(NUP) na kumalas sa Majority Bloc at lumipat na sa Minority Bloc, ayon kay NUP Chairman at Deputy Speaker Antipolo City Rep. Ronaldo Puno.
Sa isang press conference, inamin ni Puno na ang paglipat nila sa Minority Bloc ay pag-aaralan ng kanilang 41 NUP member ngayong Lenten break.
“Itong recess, magmi-meeting meeting, pag-uusapan namin,” pahayag ni Puno.
Sinabi ni Puno na sa simula pa lamang ng liderato ni House Speaker Faustino Dy ay suportado nila ang liderato nito gayunpaman kanila itong ia-assess ngayong break kung susuporta pa rin sa liderato o hindi.
“Pero dito sa recess na mangyayari, magmi-meeting meeting kami ulit. Titingnan namin kung dapat pa ba kami maiwan sa majority or lumipat na lang kami sa minority,” paliwanag ni Puno.
Samantala, nilinaw ni Puno na wala siyang personal na isyu kay Dy na aniya ay matalik niyang kaibigan at ang lipat-bakod ay dahil sa paraan ng pamumuno ni Dy.
Nang tanungin kung balak ba ng NUP na palitan si Dy, nilinaw naman ni Puno na wala silang ganitong plano at tanging paglipat lamang sa Minority Bloc ang kanilang plano. Gail Mendoza