MANILA, Philippines – Hinimok ni Archbishop Socrates Villegas ang ICC at gobyerno na itaguyod ang hustisya at panagutin ang mga responsable sa krimen habang ginugunita ang ika-40 anibersaryo ng People Power Revolution.
Tinawag niyang “defective” at hindi “ideal” ang sistema ng hustisya ng bansa at binatikos ang mga pumigil sa impeachment at nagbigay-katwiran sa war on drugs, at hinimok din silang magbitiw.
Binatikos din niya ang ilang Pilipino na pinaniniwalaang binigyang-katwiran ang mga pagpatay sa kontrobersyal na war on drugs noong nakaraang administrasyon.
Hinikayat din niya ang kabataan na maging “bagong santo ng EDSA” at pumili ng lider na may integridad.
Samantala, sinabi ni Fr. Jerome Secillano, rector ng EDSA Shrine, na matapang at mulat ang mga Pilipino sa paglalantad ng katotohanan.
Dagdag niya, ang pagsasalita para sa hustisya ay hindi laro ng pulitika kundi bahagi ng pagbuo ng konsensya.
Hinimok din niya ang mga Pilipino na magtulungan sa paggawa ng kabutihan upang makamit ang hustisya at ang kabutihang panlahat. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)