Home METRO Obrero na ‘di nagpautang ng P1,000 pinatay!

Obrero na ‘di nagpautang ng P1,000 pinatay!

MANILA, Philippines – Arestado ang isang construction worker sa Cainta, Rizal ilang buwan matapos umano nitong pumatay sa isang katrabaho na tumangging magpahiram sa kanya ng P1,000.

Natagpuan na lang ang bangkay ng biktimang si Jericho Echane na duguan at nakagapos ang mga kamay at paa sa loob ng kanyang inuupahang bahay sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig noong Agosto 1, 2023.

Kinilala ng pulisya ang mga katrabaho ng biktima bilang mga suspek, na pagnanakaw ang motibo ng krimen.

“Itong suspek, initially, pilit na nangungutang [sa biktima]… Hindi napagbigyan dahil itong biktima ay nag-iipon para sa planong pagpapakasal sa girlfriend niya,” ani Pasig Police Chief Police Colonel Sacro.

Matapos ang limang buwan, ang 34-anyos na si Arlo Medalla ay inaresto ng Mobile Force Battalion ng Eastern Police District na may warrant for robbery with homicide.

“Sa pamamagitan ng casing at surveillance, pinuntahan natin ng mga tauhan ang last known address niya. Positive siya na na-identify at alam na andoon siya sa lugar na yun… Sa West Bank, Cainta, Rizal,” ayon kay EPD District Mobile Force Battalion Assistant Force Commander Police Major Edgar Escreza.

Iginiit ng suspek na accessory lamang siya sa krimen at ang biktima ay talagang pinatay ng tatlo nilang kasamahan sa trabaho sa galit dahil tumanggi ang biktima na magpahiram sa kanya.

“Apat po kasi kami… Sinamahan ko lang sila,” sabi ni Medalla.

“Humihingi po ako ng pasensya [sa] kaanak at kapatid, kahit hindi ako gumawa at mga kasama ko… Pinapangako ko na pagdurusahan ko ang mga ginawa nila,” aniya pa. Santi Celario

Previous articleTraining course sa LMS alok ng CSC sa gov’t employees
Next articleMagnolia vs SMB sa PBA Finals