MANILA, Philippines – Sugatan ang isang 38-anyos na construction worker matapos pagtatagain ng isang lalaking naghuramentado kahapon ng madaling araw, Hunyo 17 sa Malabon City.
Ang suspek na naaresto ay nakilala sa alyas “Jun”, 33, ay nahaharap sa mga kasong Attempted Homicide, paglabag sa Batas Pambansa Bilang 6 (Illegal Possession of Deadly Weapons), at Alarms and Scandals.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan hinggil sa ginagawang pagwawala at pananaga ng suspek sa 38-anyos na construction worker sa Brgy. Hulong-Duhat dakong ala-1:00 ng hapon.
Kaagad rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 7 at mga tanod kung saan nasaksihan ng mga ito ang duguang biktima na hinahabol ng galit na suspek na armado ng butcher knife.
Naaresto naman kaagad ng mga tauhan ni Col. Baybayan ang suspek at nakumpiska sa kanya ang ginamit na armas habang isinugod ang biktima sa Tondo Medical Center upang magamot ang tinamong mga sugat sa ulo at braso.
Pinuri naman ni P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District ang mabilis na pagtugon ng mga tauhan ng Malabon police at opisyal ng barangay na binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa loob ng mga kominidad. Merly Duero