MANILA, Philippines – Tiniyak ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na tuloy-tuloy ang kanilang hakbang para masiguro na makakakolekta ng nararapat na buwis sa bansa.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ni Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui Jr., na nakakolekta sila ng higit P1.1 trilyong buwis sa unang kwarter ng taon.
Ayon kay Lumagui, asahan ng publiko na ang nakolektang buwis ay siguradong magagamit sa proyekto ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Lumagui, isa sa kanilang tintutukan katuwang ang Bureau of Customs (BOC) ay paghabol sa mga iligal na gawin tulad ng illegal vapes at smuggled cigarettes.
Sinabi pa niya na ang mga makakapagbigay ng impormasyon hinggil sa mga iligal ay may proteksyon sa ilalim ng batas.
Aniya, ito ay magiging confidential at lahat ng report na kanilang natatanggap ay kanilang inaaksyunan.
Sinabi ng opisyal na bukod sa nakakasira ito sa ilang lehitimong nagnenegosyo, banta rin ang mga smuggled na produkto sa kalusugan ng publiko lalo na’t hindi dumaan sa tamang proseso.
Sinabi pa ni Lumagui na gagawin nila ang lahat ng paraan kasama ang mga opisyal at tauhan ng BIR gayundin ang BOC at PNP na mahabol at mapanagot ang mga hindi nagbabayad ng buwis lalo na ang mga nagpapasok ng smuggled na produkto upang mapalago pa ang ekonomiya ng bansa
Samantala, sinabi naman ni Atty. Leon Mogao, Chief Investigation Division ng BOC sa parehong forum na patuloy ang kanilang pinaigting na pagmonitor para mahuli ang mga smuggle na produkto.
Ang pahayag ni Mogao ay kasunod ng natuklasang smuggled na sibuyas sa tindahan sa Paco Market matapos mag-inspeksyon ang Department of Agrculture (DA).
Aniya nakikipag-ugnayan na sila sa DA upang maback-track o matukoy saan nanggagaling o kung sino ang importers na sangkot. Jocelyn Tabangcura-Domenden