MANILA, Philippines- Arestado ang 56-anyos na construction worker na sangkot umano sa pagtutulak ng ilegal na droga sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Sa kanyang ulat kay kay Northern Police Disrtrict (NPD) District Director P/BGen. Josefino Ligan, kinilala ni P/Col. Relly Arnedo, OIC Chief ng Valenzuela police ang suspek na si alyas “Roberto”, ng lungsod.
Ayon kay Col. Arnedo, isinagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Joan Dorado ang buy-bust operation, sa koordinasyon sa PDEA nang magawa ng isa sa mga operatiba ng SDEU na makipagtransaksyon sa suspek ng P7,500 halaga ng shabu.
Nang matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na positibo na ang transaksayon, agad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto ang suspek dakong alas-9:10 ng gabi sa Daez St., Brgy. Karuhatan,.
Nakumpiska sa suspek ang nasa 22 gramo ng hinihinalang shabu na may estimated standard drug price na P149,600, P200 cash at buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money.
Kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. Rene Manahan