MANILA, Philippines- Nagbabala ang Office of Civil Defense (OCD) sa publiko laban sa mga scammer na nangangakong pabibilisin ang kanilang transaksyon sa ahensya kapalit ng pera.
Inihayag ni OCD administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno nitong Miyerkules na ginagamit ng ilang indibidwal at grupo ang kanyang pangalan para sa procurement scams at pekeng funding applications sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF).
Dagdag niya, gumagamit ang scammers pekeng dokumento upang kumbinsihin ang kanilang mga biktima.
“We would like to caution everyone against the unscrupulous activities of these individuals. We urge the public to be vigilant and not to fall prey to their schemes,” babala ni Nepomuceno.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na lahat ng transaksyon at/o paglalabas ng anumang dokumento mula sa ahensya ay pinoproseso sa pamamagitan ng official channels at authorized personnel nito.
Hinikayat din nito ang publiko na isumbong ang anumang kahina-hinalang transaksyon sa ahensya at sa mga awtoridad.
Ayon pa sa OCD, sumangguni na ito sa National Bureau of Investigation (NBI) upang matukoy at mahuli ang mga scammer na ito.
Maaaring bisitahin ng stakeholders ang website ng ahensya: https://www.ocd.gov.ph para sa karagdagang impormasyon sa procurement matters at NDRRMF applications. RNT/SA