Home NATIONWIDE OCD sa publiko: Tumalima sa shear line, ITCZ warnings sa gitna ng...

OCD sa publiko: Tumalima sa shear line, ITCZ warnings sa gitna ng patuloy na pag-ulan

MANILA, Philippines- Hinimok ng Office of Civil Defense (OCD) ang publiko na huwag maliitin ang banta ng shear line at intertropical convergence zone (ITCZ), kung saan patuloy na nagdadala ng ulan at masamang panahon sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ang shear line, isang boundary kung saan ang ‘warm at cold air masses’ ay nagtatagpo, lumilikha ng mga ulap ng ulan.

Ang ITCZ, sa kabilang banda ay kung saan ang tinatawag na ‘trade winds’ mula sa kapwa hemispheres ay nagsasama, dahilan kung bakit tumataas ang hangin at nagreresulta ng malakas na pag-ulan.

Ang dalawang nasabing sistema ay nagdulot ng pinsala sa Mimaropa, Eastern Visayas at Davao region, naging dahilan ng pagkasawi ng limang katao at pagkawala ng dalawang iba pa sa pagitan ng Disyembre 26, 2024, at Enero 2, 2025.

Sa kabilang dako, sa isang panayam, binigyang-diin ni OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno ang kahalagahan ng pagsunod sa babala mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), Mines and Geosciences Bureau, at iba pang kaugnay na awtoridad.

“The public must not take these weather systems lightly, as they can be as destructive as typhoons,” ang sinabi ni Nepomuceno.

Tinukoy nito ang kalunos-lunos na pagbaha dahilan para bawian ng buhay ang 43 katao sa Visayas at Mindanao noong Enero 2023, dahil sa pag-ulan mula sa shear line.

Binigyang-diin ni Nepomuceno ang pangangailangan na paigtingin ang ‘preparedness efforts.’

“Pagdating dito sa shear line, kailangan pa nating paangatin ang level ng paghahanda dahil parang nagkakagulatan po sa mga komunidad,” aniya pa rin.

Samantala, iginiit naman ni Nepomuceno ang plano na gawing mahusay ang pakikipag-ugnayan sa PAGASA upang matiyak na ang mga komunidad ay may sapat na panahon para makapaghanda para sa masamang panahon.

Sa kabila ng pagkilala sa naging improvement sa ‘response efforts,’ binigyang-diin ni Nepomuceno ang pangangailangan para makiisa at makisali ang local government unit (LGUs).

“Mitigation strategies, such as forced evacuations in high-risk areas, will be prioritized in 2025,” ayon kay Nepomuceno.

“Naka-focus ho kasi tayo sa response, pero sa taong ito, mas bigyan natin ng konkretong solusyon ‘yung preparation part,” dagdag na wika nito. Kris Jose