Home NATIONWIDE OFW na tubong Isabela patay sa sunog sa Hongkong

OFW na tubong Isabela patay sa sunog sa Hongkong

247
0

MANILA, Philippines – Nakikiisa ang Overseas Workers Welfare Administration sa Filipino community sa pagdadalamhati sa pagkawala ng OFW na si Maryan Pascual Esteban na tubong Jones, Isabela na nasawi sa malagim na sunog sa Tai Po, Hong Kong.

Agad na tumungo sina DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac at OWWA Administrator PY Caunan sa tahanan ng pamilya sa Cainta, Rizal upang magpaabot ng taos-pusong pakikiramay at tulong sa gitna ng mabigat na panahon para sa kanilang pamilya.

Ang nasawing OFW ay isang aktibong miyembro ng OWWA, at tiniyak ng pamahalaan na matatanggap ng kanyang pamilya ang lahat ng benepisyong nakalaan sa kanila.

Sa pagdalaw, tiniyak nina Secretary Hans at Administrator PY na sisikapin ng pamahalaan na maipauwi agad sa Pilipinas ang labi at tutulungan ang pamilya sa lahat ng kinakailangang proseso. Ipinabatid din nila na ang anak 10 anyos na lalaki ng OFW ay makatatanggap ng tulong pang-edukasyon hanggang sa kolehiyo mula sa OWWA sa ilalim ng Education and Livelihood Assistance Program (ELAP).

Tiniyak din nila sa pamilya ang patuloy na tulong ng pamahalaan at hinimok ang anak na mag-aral nang mabuti at ipagpatuloy ang pangarap ng kanyang ina na siya ay makatapos ng pag-aaral.

Nang tanungin kung ano ang nais niyang maging paglaki, mahinahon ngunit buo ang kanyang sagot: “Firefighter po, para wala na pong mamatay sa sunog.”

Sa kabila ng trahedya, nananatiling buhay ang tapang, pag-asa, at malasakit ng pamilyang Pilipino. (REY VELASCO)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here