NEGROS OCCIDENTAL- PATAY ang isang ginang na overseas Filipino worker (OFW) matapos pagsasaksakin ng screw driver ng kanyang kinakasama dahil umano sa selos, iniulat kahapon sa bayan ng Murcia.
Kinilala ang biktimang si Ma. Aquilyn Dela Cruz, 32, habang suspek at live-in partner nito ay kinilalang si Gerald Penafiel, 39, at kapwa residente ng Hacienda Paz, Barangay Canlandog, ng nasabing bayan.
Batay sa report ng Murcia Police Station, umaga ng Miyerkules (Oktubre 15, 2024) naganap ang krimen sa tapat ng bahay ng mag-live-in partner sa nabanggit na lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at suspek na nauwi sa sampalan.
Sa lakas ng pagkaka sampal ng suspek tumilapon ang biktima sa may damuhan sa tapat ng kanilang bahay hanggang sa pagsasaksakin ito ng screw driver.
Sinubukan naman ng ina ng biktima ang suspek subalit maging siya ay sinaksak sa hita.
Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek habang dinala naman sa ospital ang mag-ina para lapatan ng lunas subalit nalagutan din ng hininga si dela Cruz.
Kwento ng ina ng biktima, umuwi ang anak mula bansang Kuwait noong Hunyo 2024 at pabalik na sana ito sa susunod na linggo.
Aniya, madalas nagtatalo ang biktima at suspek dahil sa hinalang may ibang lalaki ang kinalolokohan ang kanyang anak.
Agad naman nagsagawa ng manhunt operation ang pulisya laban sa suspek at nadakip ito sa tubuhan.
Nakakulong ngayon sa lock-up facility ng Murcia Municipal Police Station ang suspek ay nahaharap sa kasong murder at frustrated murder./Mary Anne Sapico