Home OPINION CYBER ATTACK VS IRAN AT MGA OFW

CYBER ATTACK VS IRAN AT MGA OFW

ILANG araw nang nababalita na maraming paralisadong ahensya ng pamahalaang Iran dahil sa cyber attack sa mga ito.

Kasama sa mga paralisado ang mga sistema sa langis at nuclear site at mayroon din sa militar.

Pasimula na kaya ang pangyayaring ito ng posibleng pag-atake ng Israel sa Iran at hindi isinasantabi ang pag-atake sa nuclear sites nito bilang prayoridad?

Lalo’t napababalitang may naganap nang nuclear bomb test ng Iran nito Oktubre 5 lamang.

At nangangahulugan na nangangamba ang Israel na gagamit ng nuclear bomb ang Iran sa oras na magdigmaan ang dalawa.

Para maunahan ang Iran, ngayon pa lang ay sisirain na ng Israel ang mga plantang nuklyeyar ng una upang hindi makabuo ng sapat na nuclear bomb at mawalan ng kakayahang lumaban sa giyerang nukleyar sa pagitan nila.

Kaya anomang araw mula ngayon, maaari na umanong umatake ang Israel.

Matutulad umano ito sa pagpapasabog muna sa mga walkie-talkie at pager na hawak ng mga Hezbollah na ikinamatay ng nasa 50 katao at ikinasugat ng 3,000-4,000 Hezbollah umano bago lumusob ang Israel sa Lebanon mga dalawang linggo na ang nakararaan.

2,000 MISSILE NAKAUMANG

Sinasabi naman mismo ng Iran na kapag umatake ang Israel, may nakaumang nang 2,000 missile laban sa huli at kalabit na lang ang kailangan.

Sapat na umano ito para masira o maparalisa ang Israel dahil patatamaan umano ng Iran ang lahat ng sistemang langis, kuryente, base militar nuclear bomb site ng una.

Kung iisipin, nakatatakot ito dahil maaaring magkadamay-damay ang lahat, kasama ang United State na kampi sa Israel at Russia na kampi sa Iran.

Ilang araw pa lamang ang nakararaan, binomba ng Israel ang base militar ng Russia sa Syria sa paratang na nagsusuplay ang Russia ng armas sa Hezbollah.

Hindi natin alam kung ano ang ganti na gagawin ng Russia.

MGA PINOY PAANO

Nakataya ang buhay at ari-arian ng nasa 30,000 Pilipino sa Israel at maisasama sa hindi na magandang kalagayan ng 11,000 Pinoy sa Lebanon.

Kabobomba lang ng Israel ang Aitou na nasa norte ng Lebanon at sinasabing ligtas na lugar dahil pook Kristiyano ito at may matatagpuang mga Pinoy.

Gusto nating malaman, mga Bro, kung may namatay o nasaktan nang Pinoy roon at kung mayroon, kung ano ang gagawin ng pamahalaan para sa mga ito.

Paano naman kung paliliparin talaga ng Iran ang 2,000 missile nito at makalulusot ang marami at babagsak sa iba’t ibang bahagi ng Israel, kasama ang mga tinitirhan ng mga Pinoy?

Alalahaning hindi nakatakbo ang milyong taga-Israel, maging ang mga Pinoy nitong Oktubre 1, 2024, nang nagpakawala ang Iran ng 200 missile sa mga underground na taguan kundi sa mga kalsada at tabi ng mga gusali sa bilis ng mga missile.

Ano na ang paghahanda ng pamahalaan sa ganitong sitwasyon?

Sana ang mga lider ng bansa na sobrang lulong sa pulitika kaugnay ng halalang 2025 ay maglaan ng oras para sa kaligtasan ng mga Pinoy sa Gitnang Silangan, maging sa pagpapauwi sa kanila.