MANILA, Philippines – Opisyal nang inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang lahat ng mga kandidatong lalahok sa Bangsamoro Parliament Elections, kasama na rin ang mga nominado ng mga political party.
Ayon kay Comelec Chairman Erwin George Garcia, mahalaga ito sapagkat ang pag-apruba ng Comelec en banc ay nagsisilbing simula at senyales sa kanilang Information Technology Department na maaari nang ipasok sa sistema ang mga pangalan upang maisapinal ang ballot faces ng bawat munisipalidad at bawat distrito.
Samantala, sinabi rin ni Garcia na hiningan na ng Comelec ng komento ang Mababang Kapulungan ng Kongreso tungkol sa mga panukalang batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
“Amin pong sinabi doon na ito naman po ay isang diskresyon at nakalaan sa wisdom ng Executive Department at ng Legislative Department,” sabi ni Garcia.
Ayon pa sa poll chief, tatalima lamang sila o susunod sa kung ano ang ipag-uutos sa kanila ng Kongreso at Ehekutibo sa pamamagitan ng isang batas.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang paghahanda ng Comelec para sa November 2, 2026 BSKE.
“Sinabi namin, kahit pa may panukalang batas [na naglalayong ipagpaliban ang BSKE], ang Comelec will have to expedite yung ating preparasyon,” dagdag pa ni Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden