MANILA, Philippines – Inaasahang agresibong isusulong ng House Committee on Overseas Workers Affairs ang pag-apruba ng House Bill (HB) No. 275 o ang OFW Remittance Protection Act sa pagdinig sa Pebrero 24. Ang komite ay pinamumunuan ni AGIMAT Party-list Rep. Bryan Revilla.
Layunin ng panukala na protektahan ang remittances ng mga OFW laban sa tumataas na global fees na maaaring magpababa sa halagang ipinapadala nila sa kanilang pamilya.
Batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), 95 porsyento ng OFW remittances ay napupunta sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng pamilya.
“Hindi na dapat mabawasan pa bawat remittance ipinapadala ng ating mga OFWs sa kanilang pamilya. Literal na dugo’t pawis ang kanilang puhunan dito. Kahit mukhang maliit ang isang porsyento, ramdam pa rin ito sa bulsa mga Bagong Bayani – lalo na sa patuloy na pagtaas ng mga serbisyo’t bilihin,” ani Revilla.
Binanggit ng mambabatas ang bagong one percent federal tax sa Estados Unidos na ipinatupad noong Enero 1, 2026, na ipinapataw sa ilang cash-based international remittances tulad ng cash, money orders, at cashier’s checks. Hindi saklaw nito ang bank at digital transfers, ngunit maaaring maapektuhan ang mga OFW na limitado ang access sa digital financial services.
Ayon kay Revilla, ang US ay bumubuo ng humigit-kumulang 40 porsyento ng kabuuang remittance inflows ng Pilipinas, kaya’t hindi maaaring maging kampante ang bansa sa pagtaas ng mga bayarin.
“OFW remittances are more than economic statistics. Ito ay pagkain sa mesa, matrikula ng mga anak, at panggastos sa araw-araw. Kapag may bawas, kabuhayan agad ang tinatamaan,” dagdag niya.
Sa ilalim ng HB No. 275, iminumungkahi ang regulasyon laban sa labis na remittance fees, mas malinaw na paglalantad ng exchange rates at charges, pagpapataw ng parusa sa abusadong financial institutions, at pagpapalawak ng libreng at mandatoryong financial education para sa OFWs at kanilang pamilya.
Binigyang-diin ni Revilla na habang wala pang pangmatagalang solusyon sa labor migration, dapat tiyakin ng Estado na napoprotektahan ang kita ng mga OFW.
“Habang wala pa ang pangmatagalang solusyon sa labor migration, tungkulin nating tiyakin na napoprotektahan ang kita ng ating mga OFWs,” aniya.
Dagdag niya, ang pagdinig ay tututok sa pagbuo ng matibay na sistema para maprotektahan ang remittances laban sa external charges at hindi makatarungang domestic practices, kasabay ng iba pang panukala tulad ng proposed Bagong Balikbayan Act.
“Ito ang ating pangako: kapag ang OFW ay nagpadala ng pera, dapat buo itong makarating sa kanilang pamilya. Agad tayong kikilos – para sa kanila at para sa ating ekonomiya,” saad ni Revilla. RNT/MND