MANILA, Philippines – Nilinaw ng Quezon City government ang mga patakaran para sa mga planong asembleya at rali sa Pebrero 25, 2026, anibersaryo ng People Power Revolution.
Ayon sa lungsod, kinikilala nito ang karapatan sa mapayapang pagtitipon sa ilalim ng Public Assembly Act of 1985, ngunit kinakailangang magsumite ng written notice o kumuha ng permit ang mga organizer para sa maayos na koordinasyon, kaligtasan, at pamamahala ng trapiko, lalo na sa mga pampublikong lugar at pangunahing kalsada.
Binigyang-diin ng mga opisyal na regular na araw ng trabaho ang Pebrero 25.
“Ang tuluyang pagsasara ng EDSA ay magdudulot ng perwisyo sa mga pumapasok sa trabaho at eskwela,” ayon sa pahayag.
Matapos ang pagsusuri ng mga dokumento, pinayagan ng lungsod ang Trillion Peso March Movement na pinangungunahan ni Francis ‘Kiko’ Dee na magsagawa ng aktibidad sa loob ng Quezon City.
Samantala, ang mga grupong nagbabalak magsagawa ng pagtitipon sa EDSA–Ortigas area ay itinuro sa pamahalaang lungsod ng Mandaluyong at sa Eastern Police District dahil sakop na ito ng kanilang hurisdiksyon.
Iminungkahi rin ng QC government ang pagkakaroon ng iisang entablado para sa lahat ng grupo upang mas madaling makontrol ang trapiko at kaayusan, ngunit may ilang organizer na tumanggi rito—isang desisyong iginagalang umano ng lungsod.
Pinabulaanan din ng pamahalaang lungsod ang mga paratang na may grupong hindi pinayagang magrali dahil sa kanilang paniniwalang pulitikal o na ipinagbawal ang pagdadala ng placards.
“Ang mga naging hakbang ng lokal na pamahalaan ay alinsunod sa umiiral na batas at territorial jurisdiction,” ayon sa pahayag.
Muling iginiit ng Quezon City ang pangako nito sa human rights, freedom of expression, at peaceful assembly, kasabay ng pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan sa lungsod. RNT/MND