Home NATIONWIDE OFWs na apektado ng kanseladong flight sa Kanlaon Volcano eruption, tutulungan ng...

OFWs na apektado ng kanseladong flight sa Kanlaon Volcano eruption, tutulungan ng DMW

MANILA, Philippines – Mag-aalok ng tulong ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga overseas Filipino workers na nakansela ang kanilang flights sa Bacolod-Silay airport dahil sa pagputok ng Bulkang Kanlaon.

Nitong Martes, Hunyo 4, inatasan ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac ang opisina ng departamento sa region 6 at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na magbigay ng tulong sa mga inbound at outbound OFWs.

Nagkansela ng flight ang Civil Aviation Authority of the Philippines patungo at pabalik ng Bacolod-Silay Airport dahil sa pagputok ng bulkan nitong Martes ng umaga.

Sumabog ang bulkan na tumagal ng anim na minuto na nagsimula alas-6:51 ng hapon nitong Lunes ayon sa PHIVOLCS.

Nagbuga ng 5,000-meter plumes na sinundan ng malakas na volcanic tectonic na lindol.

Kabuuang 1,562 indibodwal o 210 pamilya na ang inilikas sa Negros Occidental sa mga evacuation centers kasunod ng pagsabog, base sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) hanggang nitong alas-6 ng umaga ng Martes.

Sinabi ng PDRRMC na ang pagputok ng bulkan ay nakaapekto sa 84 barangay sa mga bayan at munisipalidad.

Itinaas na ng PHIVOLCS ang alert level ng Kanlaon mula Alert Level 1 sa Alert level 2. Jocelyn Tabangcura-Domenden