MANILA, Philippines – Malaki ang maibabawas sa binabalikat na gastusin ng guro ang bagong batas na nagtatakda ng P10,000 halaga ng teaching supplies allowance upang mas epektibo nilang magampanan ang kanilang tungkulin.
Kapwa pahayag ito nina Senador Edgardo Angara at Grace Poe matapos maisabatas ang Kabalikat sa Pagtuturo Act na nagbibigay ng P10,000 teaching supplies allowance sa bawat guro sa pampublikong paaralan sa primary at secondary schools sa buong bansa.
“Dahil dito, hindi na kailangang gumastos pa ng sarili nilang pera ang mga guro. Ang mga ganitong inisyatibo ay nararapat lamang para sa mga katulad nila na bagaman laging tambak ang trabaho, napakababa naman ng sweldo. Marami pa tayong dapat gawin para sa ating teachers bilang pasasalamat sa kanilang walang sawang pagtuturo at paghubog sa kaalaman ng ating mga anak,” ayon kay Angara.
Bilang chairman ng Committee on Finance, tiniyak ni Angara na naibibigay sa teacher ang teaching supplies allowance.
Sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act, kabuuang P3.25 bilyon ang inilaan para sa P3,500 teaching supplies allowance ng mahigit 930,000 guro sa public schools.
Mula naman 2021 hanggang sa mga sumunod na taon, itinaas ang nasabing allowance sa halagang P5,000 kahit wala pang umiiral na batas na nag-aatas nito.
Ngayong may bago ng batas, itinaas na sa P10,000 ang taunang teaching supplies allowance para sa public school teachers.
Magagamit ng guro ang nasabing halaga sa pagbili ng tangible at intangible teaching supplies at materials; pambayad sa incidental expenses at magamit rin sa implementasyon o pagsasagawa ng iba’t ibang learning modalities.
Matatandaan na nang magsimula ang teaching supplies allowance taong 2010 at 2011, ang mga guro ay tumatanggap lamang ng halagang P700 kada taon.
Mula 2012 hanggang 2014, itinaas ito sa P1,000 at muling itinaas sa P1,500 pagdating ng mga taong 2015 at 2016.
Taong 2017 naman nang umakyat sa halagang P2,500 ang teaching supplies allowance, at mula 2018 hanggang 2020, itinaas ito ng Kongreso sa P3,500.
“Nakita natin na napakaliit talaga ng halaga na binibigay sa ating mga guro noong mga nakaraang mga taon. Sa loob ng isang dekada ay nasa P700 hanggang P3,500 lang ang chalk allowance kaya hindi na kataka-taka na kinakailangan pa lagi na mag-abono ang mga guro para lang makabili ng mga kagamitan na kailangan nila sa pagturo,” saad ng senador.
“Sa bagong batas na pinirmahan ngayong araw ay mas makatarungan na ang halaga para sa teaching supplies allowance. Ito ay bahagi ng pagbibigay halaga natin sa mahalagang trabahong ginagampanan ng ating mga guro para sa ating mga anak,” ayon pa kay Angara.
Kapwa naman inataasan sa ilalim ng batas na ito ang Department of Education at ang Department of Budget and Management na mag-ugnayan sa paglalabas ng implementing rules and regulations (IRR) sa loob ng 60 araw makaraang mapagtibay ang naturang batas.
Pero sa paliwanag ni Angara, kahit wala pang ang IRR, magiging epektibo na ang batas, 15 araw matapos ang publikasyon nito sa Official Gazette at sa mga pahayagang may regular na sirkulasyon.
Nagpasalamat din ang senador sa chairman ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation na si Senator Bong Revilla na siyang tumayong sponsor ng nasabing batas.
Kasabay nito, ikinasiya ni Poe ang batas na matagal nilang ipinaglaban sa nakaraang Kongreso kaya buong galak na ikinatuwa ng mambabatas ang pagsasabatas ng bagong halaga.
“This is a law we have fought for since the last Congress and we are overwhelmed it has finally come to life,” ayon kay Poe.
Ayon kay Poe, napapanahon ang batas sa gitna ng kahirapan ng maraming guro na makaagapay sa pagtuturo na kinakapos sa pondo upang makabili ng school supplies na pinupunan ng sariling bulsa.
“Kung gusto natin ng 21st century na pagtuturo, hindi dapat out of date ang pagtulong sa ating mga guro,” aniya.
“At every school’s core are the teachers to whom we place our learners’ fate, and the nation’s future. Our teachers deserve more and better,” giit pa ni Poe. Ernie Reyes