Home NATIONWIDE OFWs sa Lebanon nanawagan ng repatriation

OFWs sa Lebanon nanawagan ng repatriation

MANILA, Philippines- Maraming overseas Filipino workers (OFWs) sa Lebanon ang nanawagan para sa agarang repatriation dahil sa tumitinding labanan sa pagitan ng Hezbollah at Israel.

Sa online press conference na inorganisa ng Migrante International noong Linggo, nagpahayag ng pagkadismaya ang mga manggagawa sa mabagal na pagtugon mula sa gobyerno ng Pilipinas.

“Hindi po nila binabanggit … ang mga nagpapahirap ano yung kasalukuyang pinagdadaanan ng ating mga OFWs, kung bakit sila nagdadalawang isip, bakit sila hindi nagrerepatriate o di kaya, di sinasabi ‘yung kabuuang kalagayan,” sabi ng presidente ng Migrante International na si Joanna Concepcion.

Ilang OFWs ang nanawagan na masagip at matulungan dahil maraming gustong umuwi na nahihirapan sa proseso.

Sinabi sa mga OFWs na ang pagkaantala ay dulot ng kanilang katayuan bilang undocumented workers (TNT).

Ilang OFWs din sa Lebanon ang iniulat na itinatago sa kanila ng kanilang mga amo ang totoong sitwasyon ng digmaan.

Sinabi ng ilan na nang humiling silang umalis, ang kanilang mga amo ay tumangging paalisin sila maliban kung may mahanap na kapalit.

Bukod pa rito, may mga employer umanong pinipigilan ang kanilang mga pasaporte, dahilan upang hindi sila makauwi. Nagpahayag din sila ng takot sa mga ulat na ang ilang mga lugar, tulad ng Dahieh, ay maaaring harapin ang mas matinding pag-atake.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), ang repatriation ng mahigit isang dosenang Pilipino na naapektuhan ng conflict sa Lebanon ay nai-reschedule sa Oktubre 3.

Sila ay dapat na umuwi noong Setyembre 26, ngunit ilang mga internasyonal na airline ang pansamantalang sinuspinde ang kanilang mga flight habang tumitindi ang tensyon sa pagitan ng Israel at ng Hezbollah.

Inilipat ng Israel ang pokus nito sa pakikipaglaban sa Hezbollah, halos isang taon mula nang ilunsad ng Hamas ang pag-atake.

Noong Biyernes, inihayag nila ang pagpatay sa pinuno ng Hezbollah na si Hassan Nasrallah sa isang malawakang pag-atake sa pangunahing balwarte ng grupo sa kabisera ng timog Lebanon, ang Beirut.

Sinabi ng Lebanese health ministry na ang mga pag-atake sa mataong lugar ay nag-iwan din ng 55 kataong namatay, habang libo-libong iba pa ang tumakas sa kanilang mga tahanan.

Ang pambomba ng Israel ay pumatay ng higit 700 katao sa isang linggo, ayon sa mga numero ng ministeryo sa kalusugan ng Lebanon. Jocelyn Tabangcura-Domenden