Home NATIONWIDE Food supply nakaantabay sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Julian

Food supply nakaantabay sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Julian

MANILA, Philippines- Inihanada na ng gobyerno ang pagkain at iba pang mahalagang suplay para sa mga indibidwal na maapektuhan ng bagyong Julian.

Sa isang situational report, araw ng Linggo, Setyembre 29, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na may kabuuang 1.9 milyong family food packs na nagkakahalaga ng P1.48 billion, iba pang food items na nagkakahalaga ng P276 million, at non-food items (NFIs) na nagkakahalaga ng P919 million ang inihanda na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Available rin ang P171 million na standby fund na gagamitin ng DSWD, kabilang na ang P123 million na maaaring ilaan bilang Quick Response Fund (QRF) sa central office ng DSWD.

Sa Batanes, ipinag-utos ng provincial disaster risk reduction and management office (PDRRMO) sa mga residente na italing mabuti ang kanilang mga bubong at maglagay ng panara o tapangko sa kanilang mga bintana sa inaasahang hagupit ni bagyong Julian.

“Patuloy po ang pagbibigay natin ng information sa mga kababayan na magtali ng bubong, maglagay ng tapangko o window shutters at maghanda-handa dahil inaasahan talagang baka maglalandfall sa amin,” ang sinabi ni Batanes PDRRMO head Roldan Esdicul sa isang panayam.

Inihayag ni Esdicul na may sapat na food supply at gasolina ang lalawigan para sa “would-be evacuees.”

“Nakahanda na ang evacuation centers pero wala pa rin preemptive evacuation kasi medyo tolerable pa naman. ‘Yun nga lang medyo may ilang turista na nastranded,” naunang pahayag ni Esdicul.

Sa Cagayan, pinaalalahanan naman ang mga residente na mag-ingat laban sa mga pangunahing panganib gaya ng “rain-induced landslides.”

Nag-deploy naman ang Cagayan PDRRMO ng mga tauhan nito sa quick response stations upang mabilis na makatugon sa mga emergency, ayon kay Cagayan PDRRMO head Ruelie Rapsing.

“So far, walang naireport na inilikas itong mga northeastern portion po natin. Hindi naman kasi flood-prone municipalities ito, hindi low-lying areas. Ito’y nasa shoreline. Ang mga hazards nito ay more or less rain-induced landslides,” wika ni Rapsing. Kris Jose