Manila, Philippines- Binatikos ng entertainment reporter at talent manager na si Ogie Diaz ang senatorial candidate na si Willie Revillame matapos itong makita na mainit ang ulo habang nasa campaign motorcade.
Sa isang viral video, makikitang iritang-irita si Revillame habang pinagsasabihan ang mga tao sa paligid ng kanyang campaign float at binabato ang mga campaign shirt sa mga tao.
“Dapat aware ang kandidato sa kanyang behavior pag nangangampanya, lalo na’t ang daming nakatutok na camera sa iyo,” wika ni Diaz sa Facebook.
“Hindi dapat pinapairal ang init ng ulo. Alam naman nating mainit na ang panahon, kaya pasensiya ang dapat pahabain,” dagdag pa niya, kasabay ng paggiit na “paano tayo iboboto nyan kung nakakalimutan nating ngumiti man lang kahit hindi na magbigay ng jacket?”
Binigyang-diin ni Diaz na ang madalas na paninigaw o pagiging masungit ni Revillame sa kanyang TV show ay hindi dapat ituring na katanggap-tanggap na asal para sa isang nangangampanyang kandidato.
“Lagi nating iisipin na nanliligaw tayo ng botante para iboto tayo at ipanalo. Pass na muna sa, ‘Eh sa ganito ugali ko, eh. Nagpapakatotoo lang ako,'” punto pa ni Diaz.
“Jacket lang ang ipinamimigay, hindi naman titulo ng house and lot. So hindi dapat ganyan ang attitude,” pagtatapos niya.
Bukod sa isyung ito, umani rin ng batikos si Revillame mula sa netizens matapos umamin na wala siyang kongkretong panukalang batas nang tanungin tungkol sa kanyang plataporma. JP Ignacio