Home NATIONWIDE Oil price hike nakaamba

Oil price hike nakaamba

MANILA, Philippines- Inaasahang tataas pang muli ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo batay sa industriya ng langis sa bansa.

Sa tantiya ng industriya ng langis batay sa apat na araw na kalakalan ng langis mula Agosto 28 hanggang 31, sinabi ni Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na ang mga inaasahang paggalaw sa presyo ay ang pagtaas ng P0.20 hanggang P0.40 kada litro ng gasolina, P0.80 hanggang P1.00 sa kada litro ng diesel, at P0.90 hanggang P1.10 sa kada litro naman ng kerosene.

Ang isa pang source ng industriya ng langis, gayundin, ay nagsabi na ang presyo ng kada litro ng diesel ay maaaring tumaas ng P0.70 hanggang P1.00, habang ang presyo ng gasolina ay maaaring tumaas ng P0.20 hanggang P0.50 kada litro.

Ang inaasahang pagtaas ng presyo ng petrolyo ay ika-walong sunod na linggo ng pagtaas sa presyo ng gasolina, at ika-siyam naman sa produktong diesel at kerosene.

Karaniwang nag-aanunsyo ng price adjustments ang mga kumpanya ng langis tuwing Lunes, na ipapatupad sa susunod na araw.

Noong Agosto 29, nagpatupad ang mga kumpanya ng gasolina ng dagdag na P0.30 kada litro sa gasolina, P0.70 kada litro sa diesel, at P0.80 kada litro sa kerosene.

Ang pinakahuling paggalaw ng presyo ay nagdulot ng year-to-date adjustments na tumaas sa P14.80 kada litro para sa gasolina, P9.50 kada litro para sa diesel, at P6.64 kada litro para sa kerosene.

Nasa P60.00 hanggang P81.05 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo sa Metro Manila, P58.95 hanggang P72.20 kada litro sa diesel, at P76.65 hanggang P89.30 kada litro ng kerosene. JAY Reyes