MANILA, Philippines — Posibleng magpatupad ng rollback sa presyo ng langis sa susunod na linggo kasunod ng pagbaba ng galaw ng pandaigdigang presyo ng langis, ayon kay Energy Secretary Sharon Garin nitong Huwebes.
“Mukhang may pag-asa (oil price rollback),” ani Garin sa isang radio interview.
“Ang 3-day (trading) mukhang maganda naman pero ayaw ko lang muna mag-predict ngayon pero ang trend niya mukhang nag-stay siya sa mababa o bumababa pa,” giit pa ng kalihim.
Ayon kay Garin, sapat ang suplay ng langis sa bansa na umaabot sa humigit-kumulang 50 araw, bukod pa sa tuloy-tuloy na lingguhang dating ng bagong supply.
“Ngayon 50 days (oil stock), tapos may mga dumarating, every week may mga dumarating namang bagong supply natin,” aniya pa.
Dagdag ng kalihim, prayoridad ng pamahalaan ang suplay ng langis para sa mga power plant upang matiyak ang katatagan ng enerhiya.
Patuloy ring sinusuri ng pamahalaan ang posibleng pagbabago sa excise tax ng petroleum products sa pamamagitan ng Development Budget Coordination Committee.
Nilinaw din ni Garin na hindi pa ibinebenta ang fuel stocks na binili sa pamamagitan ng Philippine National Oil Company upang mapanatili ang buffer supply.
Ayon pa sa kanya, limitado sa humigit-kumulang 60 araw ang kapasidad ng imbakan ng langis sa bansa. Dave Baluyot