MANILA, Philippines – Inaasahang hindi na aabot sa National Capital Region (NCR) ang oil slick mula sa lumubog na Motor Tanker (MT) Terra Nova sa baybayin ng Limay, Bataan, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) base sa trajectory na naobserbahan sa isinagawang surveillance mission.
“Na-observe nila (surveillance team) from north-northeast, ‘yung unang area ng surveillance natin, ngayon ay south-southeast na. So we are not expecting na papunta na siya ng Manila but we do not discount the possibility,” ani Lieutenant Commander Michael John Encina, spokesperson for PCG NCR-Central Luzon, sa panayam ng DZBB.
Ayon kay PCG NCR-Central Luzon spokesperson Lt. Commander Michael John Encina, ang trajectory ngayon ng oil sheen ay patungo sa Cavite at Batangas na south-southeast na.
Sinabi ni Encina na ang surveillance ay isinagawa ng PCG Marine Environmental Unit kasama ang expert adviser.
Sa kanilang bulletin nitong Lunes, sinabi ng University of the Philippines Marine Science Institute (UP MSI) na ang oil slick mula sa MT Terranova ay makakarating sa Metro Manila sa Martes, Hulyo 30.
Sinabi nito na ang forecast ay batay sa oil trajectory model, na “gumagamit ng surface velocity fields mula sa Global Ocean Physics Analysis and Forecast at surface winds mula sa National Center for Environmental Prediction Global Forecast System.”
Sinabi ni Cavite Governor Jonvic Remulla na umabot na sa ilang coastal barangay sa lalawigan ang isang oil slick mula sa lumubog na motor tanker. Ang mga barangay na ito ay nasa Ternate, Maragondon, Naic, at ilang bahagi ng Tanza
Samantala, sinabi ni Encina na 18 sa 24 na valves ng motor tanker ang na-seal na. Kapag nakasara na ang lahat ng balbula at wala nang tumutulo na langis, isasagawa na ang siphoning operations, aniya.
“To be exact, may report sa amin kagabi, may 18 valves na tayo na na-encapsulate or na-seal na po,” sabi ni Encina.
“So we are now expecting na may development na po yung kasi 24/7 naman po silang nagca-capping para today ma-cap na natin yung all 24 valves at makapagsimula na po tayo ng siphoning,” dagdag pa ng opisyal.
Sinabi naman ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na ang saklaw ng oil spill ay nabawasan ng dalawa hanggang tatlong kilometro. Jocelyn Tabangcura-Domenden