Manila, Philippines – Kung matatandaan, laman ng mga bakita noon ang oil spill sa Pola, Mindoro.
Ang barkong MT Princess Empress, na may dalang 800,000–900,000 litro ng industrial fuel oil ay lumubog sa Tablas Strait sa pagitan ng Naujan at Pola, Oriental Mindoro.
Lubhang naapektuhan nito ang baybayin ng Pola (mga barangay Buhay na Tubig, Bacawan, Calima), pati na rin ng maraming coastal communities sa Mindoro, Batangas, Palawan, at Antique.
Nu’ng Sabado, June 7, ay in-announce ng actress/producer at Pola, Mindoro Mayor na si Ina Alegre na gawing pelikula ang malungkot na nangyari sa kanyang bayan.
Si Mayor Ina ay na-reelect sa kanyang last term bilang mayor ng Pola nitong nakaraang mid-term election.
Kung sakali, plano ni Mayor Ina na gawing bida rito sina Iza Calzado at John Lloyd Cruz.
Hindi na bago kay Mayor Ina ang film production dahil siya ang producer ng award winning movie na Banal (starring Paolo Contis at Cristopher de Leon).
May comment din si Ina sa napipintong pagpapalawak ng sakop ng Movie and Television Review Classification Board (MTRCB).
Sinasabi kasi sa proposed bill sa senado na isama na ang online streaming sa sakop ng nasabing ahensiya.
“Agree ako sa pagpapalawak ng lakas ng MTRCB, kailangan kasi natin na maging responsible.
“Dapat, maging handa tayo sa pagbabago at may kaukulang responsibility ito.
“Oo, may kalayaan tayong gumawa ng pelikula pero dapat may check and balance.
“And bilang public servant and bilang isang nanay, dapat talaga, e, tulungan tayo ng gobyerno lalo na sa pagsasabatas ng regulation ng mga pinanonoood ng mga kabataan sa online.
“Hindi naman kasi nababantayan ng mga magulang ang kanilang anak ng 24 hours lalo na’t iba na ang kaisipan ng henerasyon ngayon,” sabi pa ni Mayor Ina.
Kasama rin pala si Mayor Ina sa pelikulang Wild Boys playing the role of the wife of Carlos Morales sa pelikula.
Inimbitahan din ni Mayor Ina sa kanyang radio guesting ang mga tao sa nalalapit na fiesta sa Pola Mindoro. JP Ignacio