CHICAGO, United States — Nakisalamuha ang mga manlalaro ng Oklahoma City Thunder sa mga tagahanga at hinayaan ang mga tagasuporta na hawakan ang NBA championship trophy sa isang parada noong Martes (Miyerkules oras sa Maynila) upang ipagdiwang ang unang titulo ng koponan.
Nakuha ng Thunder ang unang korona mula noong lumipat mula Seattle patungong Oklahoma City noong 2008 sa pamamagitan ng pagtalo sa Indiana Pacers noong Linggo sa winner-take-all Game 7 ng best-of-seven NBA Finals.
Ayon sa pulisya, tinatayang aabot sa mahigit 500,000 katao ang nagtipon upang makita ang parada at rally, ang ilan ay naghihintay ng 10 oras upang makitang magdiwang ang mga manlalaro ng Thunder.
Si Gilgeous-Alexander, ang NBA Finals MVP at league scoring leader, ang nagdala ng tropeo para mahawakan ng mga tagahanga, naglalakad na walang t-shirt na may bandila ng Canada na nakasabit sa kanyang baywang bilang pagpupugay sa kanyang tinubuang-bayan.
Ang mga manlalaro, na nakasuot ng puting “champions” na T-shirt, ay naghagis ng mga souvenir sa mga tao habang naglalakbay sila mula sa Paycom Center, ang home arena ng Thunder, patungo sa isang rally celebration sa Scissortail Park.
“Get loud OKC. Nakasama mo kami sa lahat ng ups and downs ng Thunder organization at nagpapasalamat kami sa inyo,” ani Thunder guard Luguentz Dort.JC