Ipinagpatuloy ng Senate Justice and Human Rights Subcommittee na pinamumunuan ni Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros ang kanilang imbestigasyon sa iba't ibang isyu kaugnay ng pagtakas ng tinanggal na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo, mga anomalya na kinasasangkutan ang Bureau of Immigration (BI) at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), mga alalahanin tungkol sa espionage, at ang patuloy na problema ng human trafficking patungo sa mga scam compounds. Cesar Morales
MANILA, Philippines – Matinding niresbakan ni Senador Risa Hontiveros si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa pagkakalat ng itinuturing nitong kasinungalingan na binayaran siya ng una upang tumestigo laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Kahit hindi kumpirmado na legal ang pamamaraan ng pagpapahayag na binayaran siya ni Hontiveros upang tumestigo laban kay Quiboloy, ipinost ni Dela Rosa ang video upang dungisan ang krimen na napatunayan ng Senado.
Ayon kay Hontiveros na pawang kasinungalingan ang mga alegasyon ngayon mula sa nagpakilalang dating testigo sa pagdinig ng Senado ukol sa mga krimen ni Pastor Apollo Quiboloy.
“Sangkaterba ang ebidensiya ng aking opisina na magpapatunay na gawa-gawa lang ang pahayag ngayon ng taong iyan. All witnesses presented during the Quiboloy Senate hearings freely and voluntarily offered their testimonies and the evidence they carried,” ayon kay Hontiveros.
Kamakailan, ipinost ni Dela Rosa ang isang video ng isang dati umanong saksi ng Senado sa pangalang Michael Maurillo na binabayaran siya ni Hontiveros upang tumestigo laban kay Quiboloy na nakakulong sa Pasig City Jail ngayon sa kasong human trafficking at sexual abuse.
“Lahat ng iyan ay may paper trail and readily corroborated by multiple agencies and officials. Handa rin kami na ilabas ang iba’t-ibang screenshot at video sa tamang panahon,” ayon kay Hontiveros.
Naniniwala si Hontiveros na binayaran kundi man tinakot si Maurillo upang idiskaril ang kasalukuyang kaso ni Quiboloy.
“We have reason to believe that this individual has been coerced or paid off to derail the ongoing criminal proceedings against Quiboloy, and disturbingly, threaten my staff and the witnesses who spoke out against Quiboloy’s heinous crimes,” ayon kay Hontiveros.
“Ganyan sila kadesperado,” aniya.
Tiniyak naman ni Hontiveros na nakahanda ang kanyang legal team na magsampa ng kaukulang kaso laban sa harassment at pananakot ng kampo ni Quiboloy sa kanyang staff bukod sa pagkakalat ng kasinungalingan.
“We are preparing our serious legal response against this act of harassment and intimidation. Hindi namin palalampasin ang mga nasa likod ng pananakot na ito,” ani Hontiveros. Ernie Reyes