MANILA, Philippines – Hinimok ng isang concerned private citizen na si Jay Altamera si Ombudsman Jose Crispin C. Remulla na magbigay-linaw hinggil sa umano’y hindi pagkakasama ng negosyanteng si Maynard Ngu sa mga pinangalanang indibidwal na subject ng inisyal na imbestigasyon o posibleng kaso kaugnay ng lumalawak na umano’y infrastructure at kickback issues sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Batay sa liham na isinumite ni Altamera, iginiit niyang dapat ipaliwanag ng Ombudsman kung bakit si Ngu—na binanggit umano sa mga nakaraang pagdinig sa Senado—ay wala sa paunang listahan ng mga personalidad na iniimbestigahan. Nilinaw ng liham na ang kanilang pahayag ay nakabatay sa sinumpaang testimonya na nauna nang naisumite sa Senado.
Sa testimonya ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa Senado, lumabas ang alegasyon na si Ngu umano ay may naging papel sa paghatid ng sinasabing halaga para sa isang mambabatas—na ayon kay Bernardo ay bahagi ng umano’y kickback scheme. Hindi pa ito napapatunayan sa anumang korte.
Binanggit din sa liham na ayon sa mga naturang testimonya, si Ngu umano ay nabanggit sa ilang usapin gaya ng pag-impluwensya sa appointment sa DPWH, paghingi umano ng listahan ng proyekto, at iba pang interaksyong binanggit sa mga pagdinig. Wala pang opisyal na pahayag mula kay Ngu ukol sa mga alegasyong ito.
“These allegations are not vague—they are based on sworn testimony,” ayon sa liham. “Kung mga opisyal ng gobyerno ay sinusuri dahil sa mga alegasyong ito, makatwiran lamang na ang mga pribadong indibidwal na nabanggit ay masuri rin batay sa parehong pamantayan.”
Ipinahayag pa sa liham na ang umano’y hindi pagkakasama ni Ngu sa imbestigasyon ay maaaring magdulot ng persepsiyon ng di-parehas na pagtrato sa mga konektadong negosyante kumpara sa mga opisyal ng gobyerno o kontratista.
Dahil dito, hiniling ni Altamera na muling tingnan ng Ombudsman ang buong saklaw ng mga alegasyon upang matukoy kung kailangan ng agarang aksyon alinsunod sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Government Procurement Reform Act.
Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Office of the Ombudsman o si Maynard Ngu hinggil sa isyung ito. (Santi Celario)