MANILA, Philippines – Inutusan ng Supreme Court of the Philippines sina Ombudsman Jesus Crispin Remulla at ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na magsumite ng komento sa loob ng 10 araw kaugnay ng petisyon ng puganteng dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Sa kanyang petisyon for certiorari, hiniling ni Co na ibasura ang mga kasong kriminal laban sa kanya kaugnay ng P289.5-milyong flood control project sa Oriental Mindoro. Humiling din siya ng temporary restraining order. Ayon sa Korte Suprema, hindi pa nito binibigyan ng due course ang petisyon.
Iginiit ni Co na may grave abuse of discretion sa naging findings laban sa kanya at nilabag umano ang kanyang karapatan sa due process.
Noong nakaraang Nobyembre, naghain ang Office of the Ombudsman, sa pamamagitan ni Assistant Ombudsman Mico Clavano, ng unang batch ng kaso laban kay Co at ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Sandiganbayan dahil sa umano’y anomalya sa flood control projects sa Oriental Mindoro.
Sinabi ni Clavano na ang mga kaso ay may kinalaman sa proyektong ipinatupad ng DPWH sa pamamagitan ng contractor na Sunwest Inc..
Kinasuhan si Co at ang iba pa ng paglabag sa Article 217 kaugnay ng Article 171(4) ng Revised Penal Code (malversation of public funds through falsification of public documents) at Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019).
May hiwalay din siyang kasong graft kaugnay ng umano’y maanomalyang pagtatayo ng road dike sa Mag-Asawang Tubig River sa Oriental Mindoro.
Ayon kay Clavano, natuklasan ang malulubhang structural deficiencies sa P289.5-milyong proyekto, kabilang ang paggamit ng substandard steel sheet piles sa road dike, batay sa ulat nina DPWH Secretary Vince Dizon at Mindoro Gov. Humerlito Dolor.
Dagdag pa niya, ipinapakita ng findings na may scheme umano para magbigay ng unwarranted benefits, magsumite ng falsified technical data, at maling paggamit ng pondo ng bayan.
Sinabi ni Remulla na ang proyekto sa Oriental Mindoro at iba pa sa Bulacan ang magiging batayan ng mga kasong ihahain sa Sandiganbayan.
Nag-ugat ang mga reklamo sa mga imbestigasyon sa Kongreso na nagsabing may ilang flood control projects na hindi umano talaga naipatupad dahil sa posibleng sabwatan ng mga mambabatas, pribadong contractor, at opisyal ng DPWH.
Lalo itong umingay matapos akusahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang ilang contractor at opisyal ng katiwalian sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo. RNT/MND