Home NATIONWIDE Paggamit ng intel fund ng BOC sa gitna ng smuggling ng sigarilyo,...

Paggamit ng intel fund ng BOC sa gitna ng smuggling ng sigarilyo, kinuwestiyon ng solon

222
0

MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, kung paano ginagamit ng Bureau of Customs (BOC) ang intelligence funds nito sa gitna ng lumalalang iligal na kalakalan ng sigarilyo.

Nakibahagi si Chua sa imbestigasyon ng House Committee on Ways and Means kaugnay ng bilyong pisong smuggling ng sigarilyo sa bansa. Aniya, kahit may intel funds ang BOC, patuloy pa rin ang pagpasok ng kontrabando.

“Kasi yung mga congressman sa Mindanao alam, wala naman po kaming mga intel fund,” ani Chua kay BOC Deputy Commissioner for Intelligence Romeo Allan Rosales sa pagdinig noong Pebrero 11.

Si Rosales ang humarap sa imbestigasyon dahil hindi nakadalo si BOC Commissioner Ariel Nepomuceno dahil sa ibang commitment.

“In fact, sabi nga po ni Congressman Zia [Alonto Adiong] sa sari-sari store ganun na po katindi over the counter nabibili na po yung ganito and yet hindi po natin alam,” dagdag ni Chua.

Nang tanungin tungkol sa intel funds, sinabi ni Rosales na aalamin pa niya ito dahil ngayon pa lamang niya ito hahawakan ngayong taon.

“Iyong Highway Patrol [Group] ilan na po ang accomplishment for the past couple of weeks?” tanong pa ni Chua.

Pinuna rin ng mga mambabatas, kabilang sina Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez at Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo, ang kakulangan sa paghahanda ng BOC sa pagdinig. Bukod sa hindi pagdalo ni Nepomuceno, wala ring inihandang presentasyon ang ahensya.

Inaasahang iimbestigahan pa ng komite ang posibleng pagkakasangkot ng ilang opisyal ng BOC sa smuggling ng sigarilyo. Kaugnay ito ng mga reklamo laban kina dating BOC-CIIS director Thomas Narcise at dating CIIS Field Station Chief-Port of Manila Paul Oliver Pacunayen.

Nabanggit din ang isang customs broker sa liham na ipinadala kay Pangulong Bongbong Marcos noong Disyembre 11, na nauna nang tinukoy sa ulat ng Senado bilang malaking agricultural smuggler na nag-ooperate sa iba’t ibang pantalan, kabilang ang Port of Subic, Manila International Container Port, Port of Manila, Port of Batangas, at Port of Cebu.

Ayon sa liham, ang Port of Manila ay umano’y naging sentro ng pagpasok ng regulated, prohibited, o undeclared goods tulad ng agricultural products, counterfeit items, illicit cigarettes, motor vehicles, vape products, at iba pang regulated commodities. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here