MANILA, Philippines – Isinasagawa ngayon ng Office of the Ombudsman ang case build-up laban sa ilang kilalang opisyal na inuugnay sa flood control controversy, kabilang sina Senator Francis Escudero at dating Senator Nancy Binay.
Inilahad ito ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla matapos tanungin tungkol sa rekomendasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na mag-case build-up laban kina Escudero, Binay, Senator Mark Villar, at dating Senator Grace Poe-Llamanzares dahil sa bigat ng paratang.
Ayon kay Remulla, “Ginagawa namin ang case build-up, preliminary work, lahat ng kailangang gawin. Hanggang doon na lang muna ako tungkol sa kaso ni Escudero.”
Dagdag pa niya, araw-araw silang tumatanggap ng impormasyon ngunit hindi siya maaaring magbigay ng detalye dahil maaaring makaapekto ito sa kaso.
Para naman kay Binay, sinabi ni Remulla na ang mga ebidensyang natanggap nila kaugnay ng umano’y pagkakasangkot nito sa flood control scandal ay nasa proseso pa ng “evaluation at case build-up.”
Pinaliwanag din niya na maingat ang Ombudsman at hindi nagmamadaling magsampa ng kaso dahil “haste makes waste.” Aniya, kung minadali ang pagsampa ng kaso, maaaring ma-dismiss ito sa huli.
Tungkol kay Villar, kinumpirma ng Ombudsman na may natanggap silang ebidensya kaugnay ng flood control controversy noong siya ay kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at maging bilang senador.
Sinabi rin ni Remulla na may humigit-kumulang walong team na nagtatrabaho sa mga kasong ito, at posibleng madagdagan pa sa susunod na taon.
Samantala, kapwa itinanggi nina Escudero at Binay ang mga paratang laban sa kanila.
Iginiit ni Binay na wala siyang kinalaman sa flood control projects at wala siyang Senate staff na maaaring gumawa ng umano’y mga iregularidad.
Tinawag naman ni Villar na “walang basehan at walang ebidensya” ang mga paratang laban sa kanya.
Mariin ding itinanggi ni Poe ang alegasyon at sinabing hindi siya kailanman nasangkot sa korapsyon.
Ang rekomendasyon ng ICI ay nakabatay sa mga affidavit at testimonya ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na inilabas sa Senate Blue Ribbon Committee hearing noong September 25 tungkol sa umano’y korapsyon sa infrastructure deals. RNT/MND