Home METRO One-Strike Policy mahigpit na ipinapatupad sa Maynila; 2 traffic enforcer sinuspinde sa...

One-Strike Policy mahigpit na ipinapatupad sa Maynila; 2 traffic enforcer sinuspinde sa pangongotong

1
0

MANILA, Philippines — Mahigpit na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang “One-Strike Policy” laban sa mga tiwaling kawani, na nagresulta sa agarang pagsuspinde sa dalawang traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos silang ireklamo ng umano’y pangongotong sa isang babaing motorista.

Sa inilabas na kautusan ni MTPB Director Dennis Viaje, pinatigil sa pagtupad ng kanilang tungkulin ang mga traffic enforcer na kinilalang sina alyas “Sunny” at alyas “Rene” habang iniimbestigahan ang reklamong isinampa laban sa kanila.

Ayon kay Viaje, bahagi ng mahigpit na kampanya ng MTPB ang pagpapanatili ng integridad, pananagutan, at propesyunalismo sa hanay ng mga traffic enforcer alinsunod sa direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.

Binigyang-diin ng opisyal na walang puwang sa kanilang tanggapan ang anumang uri ng ilegal na pangongolekta ng pera, pangongotong, at pag-abuso sa kapangyarihan habang ginagampanan ang tungkulin sa lansangan.

“Sa ilalim ng One-Strike Policy, agad naming inaaksyunan ang mga reklamong may kinalaman sa katiwalian upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa pamahalaang lungsod,” ani Viaje.

Sinabi rin niya na ang sinumang mapatutunayang lumabag sa mga umiiral na patakaran ay mahaharap sa kaukulang kasong administratibo at iba pang parusang itinakda ng batas.

Bilang bahagi ng kanilang suspensyon, inatasan ang dalawang enforcer na isuko ang kanilang uniporme, Ordinance Violation Receipt (OVR), identification card, hand-held radio, at body camera kung mayroon man.

Patuloy namang hinihikayat ng MTPB ang publiko na magsumbong ng anumang katiwalian o iregularidad na kinasasangkutan ng mga traffic enforcer upang agad itong maaksyunan ng mga awtoridad. JAY REYES

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here