Home NATIONWIDE Ong, Guo dinakip  sa iba’t ibang kaso – DOJ

Ong, Guo dinakip  sa iba’t ibang kaso – DOJ

MANILA, Philippines- Nagpaliwanag ang Department of Justice (DOJ) sa pag-aresto kay Shiela Guo at Cassandra Li Ong sa pagdating ng mga ito sa Pilipinas matapos madakip sa Indonesia.

Sina Ong at Guo ang mga kasama ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ng umalis sa bansa nitong Hulyo.

Ayon kay DOJ undersecretary Nicholas Ty, si Shiela Guo ay naaresto dahil sa mga paglabag sa Immigration laws habang si Ong ay inaresto nang walang warrant dahil sa ilang paglabag na nakahain sa National Bureau of Investigation (NBI).

Una nang kinuwestyon ng legal counsel ni Ong na si Ferdinand Topacio ang basehan ng pagkaaresto ng kanyang kliyente.

Sinabi ni Ty na dinakip si Shiela dahil sa paglabag sa Immigration Act dahil sa kwestiyonableng citizenship at paglabas sa bansa nang hindi dumaraan sa mga port.

Si Cassandra Ong naman ay inaresto ng NBI sa paglabag sa iba’t ibang criminal law kasama na ang obstruction of justice, violation of passport act, at criminal provision ng Immigration Act.

Ayon sa DOJ, maaring humiling ng piyansa ang dalawa.

Aminado ang DOJ na hindi matibay ang reklamo laban kay Ong.

“Yung mga kasong inireklamo ng NBI laban kay Cassy Ong, bailable ito. Hindi ganun kalakas ito. Daan pa siya sa inquest, hindi pa tayo sigurado kung aabot sa korte yung kaso niya. Pero hindi ibig sabihin na hindi umuusad yung ibang kaso niya, yung mas mabibigat na kaso. Sa tamang panahon maisasampa kung kaso laban sa kanya,” ani Ty.

Nakikipag-ugnayan ang DOJ sa Kamara at sa Senado upang matiyak na makukuha nito ang kustodiya ni Ong. Teresa Tavares